INIREREKLAMO ng maraming tao ang isang kumpanya na nagngangalang Procap International.
Ayon sa mga reklamo, nanghihikayat ang mga opisyales nito na mag-invest ang publiko sa naturang kumpanya upang kumita ng malaking interes, na sa ilang buwan lamang at dodoble na ang investment.
Diumano, ang negosyo ng Procap ay online gaming, kung saan siguradong mananalo ang investors nito, at ang slogan pa nito ay “win once, win for life.”
Ngunit sa pagsasaliksik, noong Agosto 28 ng nakaraang taon ay kinansela na ng Securities and Exchange Commission ang rehistro ng Procap sa kadahilanang ito ay nagbebenta ng securities, o investments, sa publiko, ng walang lisensiya.
Magugunita rin na noong Oktubre 2023 ay inaresto ng mga kawani ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at ng Philippine National Police ang ilang ahente ng Procap sa isang sting operation, kung saan nahuli sa akto ng pagbebenta ng investments ang mga ito.
Natatakot ang marami na kung ilegal man ang operasyong ito ay baka hindi na maibalik sa investors ang kanilang pera, dahil wari nila ay may malalaking tao ang nasa likuran ng Procap.
Una nang lumabas sa publiko si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Jr. bilang abogado ng Procap nang maaresto ang mga tauhan nito. May itinuturo rin na isa pang kilalang abogado na direktang may kaugnayan sa isang national politician na media personality rin, na siyang direkta umanong tumanggap ng mga investment mula sa publiko.
