PROBLEMA NG OFWs ‘DI YATA NAIINTINDIHAN

RAPIDO NI TULFO

ALAM kaya ng TINGOG at OFW party-lists, na nagsasagawa ng pagdinig ngayon sa isyu ng abandonadong balikbayan boxes sa Kamara, ang lawak ng problemang ito?

Napaisip ang inyong likod matapos na malaman po natin ang pagbibigay ng sampung libong pisong (P10K) financial assistance sa mga kababayan nating OFWs na tinawag ng ating mga mambabatas na

mga biktima ng scam.

Ilang mga kababayan natin na dating OFWs sa Saudi Arabia, ang dumalo sa naunang pagdinig. At sila rin ang mga naunang nabigyan ng sampung libong pisong cash assistance.

Sa ating panayam kay Sec. Hans Cacdac, ng Department of Migrant Workers, sinabi nito na lahat ng mga biktima ng “balikbayan box scam” ay makatatanggap ng kaparehong halaga.

Nagsagawa kami ng konserbatibong kalkulasyon sa mga biktima na mula sa Kuwait, na lumapit sa amin. Sa isang libong nagpadala ng kahon na nakatengga pa sa ngayon sa Customs, aabot na sa sampung milyong piso ang perang ilalabas para sa cash assistance.

Sa Kuwait pa lang po ‘yan, at isang grupo pa lang dahil mayroon pa pong ibang grupo na lumalabas na mga biktima rin, ang lumapit sa amin. Paano na ang iba pang mga kababayan natin na nasa Oman, Qatar at UAE na mga biktima rin? Malaking halaga ang kakailanganin para sila ay mabigyan ng tulong pinansyal.

Pero sa totoo lang, karamihan sa kanila ay mas nanaisin na makuha na lang ang mga pinaghirapan na mga kahon kaysa tulong pinansiyal na ini-aalok ng DMW.

Sa kalkulasyon na ginawa namin, halimbawa sa 25 containers mula Kuwait na nakatengga sa BOC ngayon at nakatakdang ilabas, nasa P200,000 kada container ang kailangan para iayos at i-deliver ang mga kahon saang man dako ng bansa. Lalabas na limang milyong piso lang ang kakailanganin para maisagawa ito.

Mukhang hindi yata naiintindihan ng ating mga mambabatas ang problema na kanilang iniimbestigahan?

97

Related posts

Leave a Comment