OIL COMPANIES WALANG PATAWAD

“WALA talagang patawad ang mga kompanya ng langis.”

Pahayag ito ni dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil sa big time oil price hike na ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ngayong araw, Martes at ikatlong Oil Price Hikes (OPH) mula nang pumasok ang taong 2025.

Base sa Department of Energy (DOE), ang diesel ay tataas ng P2.60 hanggang P2.80 kada litro mula ngayong araw habang P1.60 hanggang P1.80 sa gasoline at P2.30 hanggang P2.50 sa gaas o kerosene.

“Unang buwan pa lang ng taon, puro taas singil na agad. These oil companies are showing their true colors – profit over people. This is a continuous merciless attack on consumers,” ayon sa dating mambabatas.

Sa ngayon ay nakukuba na aniya ang mga tao dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, pagtaas ng singil sa kuryente at tubig, pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Bukod dito, nananatiling mababa ang sahod ng mga ordinaryong manggagawa.

“Kala mo naman nalulugi ang mga kumpanya nila na bilyon-bilyon naman ang kinikita. These companies are posting billions in profits while ordinary Filipinos struggle to make ends meet,” ayon pa kay Zarate.

Dahil dito, kailangang makialam na aniya ang gobyerno sa pamamagitan ng pag-alis sa value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo dahil isa ito sa nagpapamahal sa presyo nito.

Bukod dito, kailangang idepensa na aniya ng Malacanang ang mamamayan at igiit sa mga kumpanya ng langis na idetalye ang kanilang gastos upang malaman kung overpriced o hindi ang kanilang presyo. (BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment