PHILHEALTH FUND TRANSFER TATALAKAYIN NA SA SC

(JULIET PACOT)

MAGSASAGAWA ng oral arguments ang Supreme Court (SC) kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng P89.9 bilyong sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa national treasury.

Simula alas-2 ng hapon ngayong Martes, Pebrero 4, 2025, ang oral arguments sa tatlong petisyon na naghamon sa paglipat ng sobrang bilyong pondo.

Ang mga petisyon laban sa paglipat ay inihain ng mga grupo nina Sen. Aquilino Pimentel III, Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares at 1SAMBAYAN Coalition kasama ang mga miyembro ng University of the Philippines Law Class 1975, Senior for Seniors Association, Inc., Kidney Foundation of Pilipinas, at iba pang pribadong indibidwal.

Pinangalanang respondent sa mga petisyon sina Department of Finance (DOF) Secretary Ralph G. Recto, ang House of Representatives na kinakatawan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang Senado na kinatawan ni Senate President Francis Chiz Escudero; Kalihim Tagapagpaganap Lucas P. Bersamin; at PhilHealth na kinakatawan ng pangulo nitong si Emmanuel Ledesma Jr.

Nagpasaklolo sa Supreme Court ang tatlong petisyon para sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO).

Noong Oktubre 29, naglabas ang SC ng TRO na nagpahinto sa paglilipat ng pondo.

Gayunpaman, sa oras na inilabas ang TRO, kabuuang P60 bilyon sa sobrang pondo ng PhilHealth ang nailipat na sa pambansang kaban ng bayan – P20 bilyon noong Mayo 10, P10 bilyon noong Agosto 21, at P30 bilyon noong Oktubre 16.

Hindi pa agad malalaman kung aaksyunan ng SC ang nailipat na pondo pagkatapos ng oral arguments bago ito maglabas ng huling hatol sa tatlong petisyon.

2

Related posts

Leave a Comment