PAGHIHIRAP NG PINOY ‘DI PANSIN NG MGA NAG-AAWAY SA GOBYERNO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NABALAM lang pala pero heto na’t tuloy ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Kaya, ihanda na ang lukbutan.

Ilalabas na kasi ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bagong suggested retail price (SRP) ng 62 pangunahing bilihin matapos aprubahan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo nito.

Nasa 2 porsyento hanggang 9 porsyento ang itataas ng mga presyo ng sardinas, delatang karne, gatas, tinapay at iba pang pangunahing bilihin.

Ayon kay Trade Undersecretary Agaton Uvero, 62 items lang ang pinahintulutang magtaas ng presyo, gayung mayroong 217 basic at prime commodities ang sinusubaybayan ng DTI.

Akala ng iba ay nitong Pebrero 1 pa nagtaas ng presyo ang ilang paninda.

Sana, inakala na rin na hindi tuloy dahil butas na ang bulsa ng madla.

Wala na raw nakabinbing kahilingan para sa taas-presyo mula sa mga tagagawa ng basic at prime commodities.

Naku, ‘yung 62 marami na. Mabigat nang pasanin. Baka kalaunan ay humirit din ang iba.

Tataas ang presyo ng sardinas kaya baka ‘yung relief o ayuda ay bawasan ng laging present na sardinas.

Ganun pa rin ang ikot ng buhay, sumasabay sa galaw ng presyo ng mga pangangailangan.

‘Yung tagatangkilik ng “pagbabago” asan na?

‘Yung pagbabago pala ng presyo ang mangyayari.

‘Di bale, hindi naman gumalaw ang inflation sa 2.9 percent nitong Enero. Katulad pa rin ng antas na naitala noong Disyembre ng nagsarang taon.

Gayunpaman, ayon sa Philippine Statistics Authority, ito ay mataas nang bahagya sa 2.8 percent na nakita noong Enero 2024, at nasa pagitan ng 2.5 hanggang 3.3 percent na pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa nasabing buwan.

Ayan, bumilis ang pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages, alcoholic drinks, sigarilyo at pamasahe.
Epekto raw ito ng bagyo sa mga gulay.

Dapat bang magpakakampante ang pamahalaan dahil hindi gumalaw ang lebel ng implasyon?

Ang steady inflation rate daw ay positibong indikasyon ng ginagawa ng pamahalaan upang tiyakin ang matatag na presyo alinsunod sa target ng gobyerno.

Ayon ‘yan sa kanila.

Pero iba ang nakikita ng ibang nasa labas.

Malaking pasanin ng mga ordinaryong tao ang tumataas na presyo ng mga bilihin.

Nasa pamamahala ng gobyerno sa mga krusyal na isyu ang ikalulutas ng problema ng sambayanan.

Dapat magtatakda ng epektibong hakbang ang pamahalaan para maging matatag ang presyo ng mga bilihin nang sa gayun ay hindi na kumpas dito, kumpas doon ang ginagawang tugon.

Kaya lang palala nang palala ang tunggalian ng mga nasa poder ngayon. Habang patuloy sa paghihirap ang sambayanan, ang ating mga lider ay nagpupukpukan, matira ang matibay.

Leksyon sa atin ang nangyayari ngayon sa dating UniTeam. Kung naging wais sana sa pagboto ang mamamayan ay hindi natin sasapitin ang mas malupit na hagupit ng kahirapan.

6

Related posts

Leave a Comment