HIGIT 2,000 katao na binubuo ng mga taga-simbahan, environmentalists, estudyante, at grupo ng mamamayan ang lumahok sa “Lakad Dasal ng PAG-ASA para sa Kalikasan” na nagsimula sa simbahan ng Pagbilao, Quezon, para tutulan ang mga aktibidad na sumisira sa kalikasan sa kanilang bayan.
Ang martsa ay inorganisa ng Mamamayan Laban sa Korapsyon at Quarry (MLQ) at naglalayong ipanawagan ang pagtigil sa mapanirang quarrying, korupsyon sa pamamahala ng likas na yaman, at ang paggamit ng fossil fuels tulad ng coal.
Sa kanilang pahayag, binanggit ng MLQ ang Laudate Deum ni Pope Francis na naghihikayat sa aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pagdedesisyon para sa kanilang kinabukasan.
Nanawagan sila sa mga lider ng pamahalaan na pakinggan ang boses ng mamamayan at itigil ang mga aktibidad na sumisira sa kalikasan para lamang sa pansariling interes.
Kabilang sa mga inihayag na panawagan ng grupo ay pagtigil sa mapangwasak na quarrying sa kabundukan at baybayin, pagwawakas sa korupsyon sa pamamahala ng likas na yaman, pagbabalik ng tunay na kapangyarihan sa mamamayan, kampanya para sa agarang pagtanggal ng mga coal-fired power plant at pagsuporta sa renewable energy, at ang pagtatanggol at pagsuporta sa mga tagapangalaga ng kalikasan.
Binigyang-diin ng MLQ na ang kanilang panawagan ay hindi lamang para sa kasalukuyang henerasyon kundi pati na rin sa mga susunod pa.
Nanawagan sila sa pagkakaisa ng mamamayan para sa tunay na pagbabago at pagtataguyod ng kabutihang pang mamamayan.
(Photo: St. Catherine of Alexandria Parish Church Pagbilao)
6