(PRIMITIVO MAKILING)
HINDI lamang falsification of legislative documents ang isinampa ng grupo ni dating House speaker at ngayo’y Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez laban kay Speaker Martin Romualdez at tatlo pang opisyales ng Kamara, kundi graft and corruption case, kaugnay ng daan-daang bilyong piso na isiningit sa 2025 national budget.
Kasama sina Atty. Ferdie Topacio, Atty. Jimmy Bondoc, BGen Virgilio Garcia, Diego Magpantay, pangulo ng Citizen’s Crime Watch, sinampahan sina Romualdez, dating House Appropriations chair at AKO Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, appropriation vice chairman Stella Quimbo at House majority leader Jose Manuel Dalipe, ng falsification of legislative documents sa Quezon City Prosecutors’ Office.
Nag-ugat ang kaso sa natuklasan nina dating pangulong Rodrigo Duterte, Davao City Rep. Isidro Ungab at Atty. Vic Rodriguez na blangkong item sa Bicameral Conference committee report sa 2025 general appropriations bill (GAB).
Itinuturing ng grupo na pinalsipika ng nasabing mga opisyales ng Kamara ang GAB dahil nang ratipikahan sa plenaryo ay may mga blangko sa bicam report subalit pagdating sa enrolled bill na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay kumpleto na ang halaga ng mga proyektong nakasaad sa GAB.
Sinabi naman ni Topacio na 12 counts ng falsification of legislative documents ang isinampa ng mga ito laban sa mga akusado dahil 12 ang blangko na ilegal na pinunan umano ng Kamara bago ibinigay kay Marcos para pirmahan.
“Yun pong inaprove ng Bicam ay zero. Nakalagay ay zero. Dapat yun pagdating sa pangulo ay zero din,” ani Topacio.
Bukod dito, nagsampa rin ang grupo ni Alvarez ng kasong paglabag sa Sec 3(e) ng Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa grupo ni Romualdez dahil umaabot sa P241 billion ang isiningit ng mga ito sa pambansang pondo.
“Noong una, ang naisip namin yung violation lang ng revised penal code. Ngayon may nagsasabi na sa dami ng nilabag na batas eh bakit hindi natin ifile lahat ng kaso na pupuwedeng i-file kaya napagdesisyunan ng grupo na pumunta rin dito sa Office of the Ombudsman para ifile ang kaso na nilabag sa anti-graft law,” paliwanag ni Alvarez.
Dehado umano, hindi lamang ang gobyerno kundi ang taumbayan, sa P241 billion na isiningit umano ng grupo ni Romualdez sa pambansang pondo kaya nararapat lang na kasuhan ang mga ito ng paglabag sa anti-graft law. (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)