HINIHIKAYAT ng Bureau of Custom ang claimants ng imported goods na boluntaryong magbayad ng tamang duties and taxes sa kanilang inaangkat na kalakal.
Inilabas ng Aduana ang abiso kasunod ng pagkakasamsam kamakailan sa P2.8 bilyong halaga ng mga luxury vehicle, kabilang ang Ferrari, Porsche, McLaren models, Rolls Royce Cullinan, Maserati Levante, Lamborghini Huracan, at BMW M3, mula sa mga bodega sa mga lungsod ng Makati, Taguig, Parañaque, at Pasay, sa bisa ng inisyung Letters of Authority (LOA).
Nanawagan ang BOC sa mga may-ari o claimant ng imported goods na saklaw ng Letters of Authority (LOA), na kusang-loob na ayusin ang tamang duties and taxes sa halip na sumailalim sa proseso ng Warrant of Seizure and Detention (WSD).
Nabatid na sa ilalim ng Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), may 15 araw ang mga claimant mula sa implementasyon ng LOA para pumili ng voluntary payment, ayon sa BOC.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na ang option na ito ay upang maiwasan ang mahabang seizure proceedings na maaaring humantong sa pag-forfeit ng imported na mga produkto.
Batay sa Section 5 ng Customs Administrative Order (CAO) 10-2020, ipinaliwanag ni Rubio na ang mga produkto ay maaaring i-release agad kapag naipresenta ang proof of payment ng tamang duties and taxes kasama ang dokumentasyon ng local purchase.
Layunin din nito na mapalakas ang kampanya na maisulong ang pagtalima sa ipinaiiral na customs laws at matiyak na nakokolekta ang lawful revenue na para sa gobyerno.
“This is aligned with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s vision of upholding a fair and competitive market while safeguarding the country’s fiscal resources,” ayon pa sa Bureau of Customs. (JESSE KABEL RUIZ)
