Para kay Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, panahon na para kumilos ang bansa para protektahan ang mga nakadepositong energy resources sa exclusive economic zone (EEZ) nito, partikular sa Talampas ng Pilipinas.
“DAPAT nang kumilos ang bansa para protektahan ang mga nakadepositong energy resources sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) nito, partikular sa Talampas ng Pilipinas.”
Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, sa gitna ng patuloy na panghihimasok ng mga barko ng China Coast Guard sa West Philippine Sea at namataan na Chinese research ship malapit sa Batanes.
“Target nila ang ating natural gas at langis. Dapat nating pangalagaan ang mga rekursong ito para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Pilipino,” ayon kay Tolentino sa isang panayam ng mga mamamahayag sa Caloocan, kung saan nagsagawa siya ng motorcade kasama ang mga lokal na opisyal.
Tinukoy ni Tolentino ang pahayag kamakailan ng China na nakadiskubre umano ito ng isang “billion ton” oilfield sa South China Sea (SCS). Ngunit dahil sa kanilang agresibong pang-aangkin sa halos kabuuan ng SCS, hindi aniya malayo na kasama rin sa long-term energy plans ng Beijing ang langis at natural gas deposits sa ating EEZ.
Dagdag ng senador, plano niyang maghain ng mga panukala para magtatag ng development corporation at oil company para sa Talampas ng Pilipinas – isang malawak na undersea region sa eastern seaboard ng Luzon na sinasabing mayaman sa enerhiya at mga mineral.
Ang Talampas ng Pilipinas, kasama ang WPS, ay itinakda sa mga probisyon ng makasaysayang Philippine Maritime Zones Law (RA 12064) na inakda ni Tolentino.
Magugunita na noong Marso 27, pormal na isinumite ng pamahalaan ang Mapa ng Talampas ng Pilipinas sa International Seabed Authority ng United Nations.
