PANGILINAN LAW DAPAT NANG AMYENDAHAN

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

UNANG ipinatupad ang Republic Act (RA) 9344 o “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” na kilala rin bilang Pangilinan Law noong March 2006 at mula noon bawal nang disiplinahin ang mga kabataan sa pamamagitan ng pisikal at verbal pamamaraan.

Natalian ang kamay ng mga guro sa pagdidisiplina sa kanilang mga estudyante sa loob ng eskwelahan. Hindi sila pwedeng kurutin kapag sila ay makulit at hindi sila pwedeng pagalitan kapag sila ay nagiging pasaway.

Maski ang mga magulang ay hindi pwedeng paluin ang kanilang mga anak, hindi pwedeng sigawan dahil protektado ang mga bata sa nasabing batas dahil kung hindi ay meron silang paglalagyan.

Dahil sa batas na ito, parami nang parami ang mga batang nagiging pasaway, matigas ang ulo, hindi nakikinig sa magulang at kahit sa kanilang mga guro, kaya aminin man natin o hindi, may negatibong epekto ang batas na ito sa paghubog sa ating lipunan.

Noong bata kami, matinding magdisiplina ang magulang namin dahil kung hindi makukurot at mapapalo ay paluluhurin kami sa bilao na may monggo kapag may kasalanan kami. Hindi na pwede ‘yan ngayon dahil sa Pangilinan law.

Kahit sa loob ng eskuwelahan may takot ang mga estudyante sa mga guro kaya talagang ginagawa nila ang kanilang mga assignment, nakikinig sa lecture dahil kung hindi ay patatayuin sila sa harap o kaya mapapalo sila sa kamay.

Pero ngayon ay hindi nakikinig ang mga estudyante at kapag napalo sila ay magsusumbong sila sa magulang nila at gagamitin ang batas na ito laban sa gurong nagdisiplina sa kanilang anak kaya anong gagawin ng mga guro, hahayaan na lamang nila ang mga estudyante nila kahit walang natutunan dahil nakataya ang kanilang trabaho at kung mamalasin ay makukulong pa sila kung sila ay namalo.

Kaya huwag na kayong magtaka na maraming bata ngayon ang delingkuwente dahil hindi sila nadidisiplina sa loob ng kanilang bahay at maging sa kanilang paaralan dahil may takot ang mga magulang at guro sa batas na ito.

‘Wag na ring kayong magtaka na may mga balita na nagsasaksakan ang mga estudyante at kung minsan ay nakapapatay pa dahil alam nilang protektado sila sa Pangilinan law at hindi sila pwedeng panagutin sa krimen na kanilang nagawa dahil menor de edad pa lamang sila.

Hindi puwedeng magpatuloy ang pangungunsinti sa mga delingkuwenteng mga bata kaya dapat amyendahan na ang batas na ‘yan at bigyan ng awtoridad ang mga magulang at mga guro na disiplinahin ang kanilang mga anak at estudyante.

Wala naman sigurong magulang o guro na papatay ng kanilang anak at estudyante sa pagdidisiplina nila. Gusto lang nilang itama ang maling gawain ng mga bata habang maaga pa pero sinasagkaan sila ng batas na ito ni Kiko Pangilinan.

Anong gusto n’yo, magiging kriminal ang mga anak niyo balang araw dahil kulang sila sa disiplina o maging mabuti silang tao dahil itinama na natin sila habang sila ay mga bata pa? Mamili kayo!

34

Related posts

Leave a Comment