IPINAGMALAKI ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nabigyan ng solusyon ang decongestion sa mga detention cell sa bansa at nakapagpalaya ang BJMP ng 85,183 persons deprived of liberty (PDLs) sa jail facilities.
Sinabi ni BJMP chief, Jail Director Ruel Rivera, sa bilang na 85,183 na PDLs na pinalaya, umabot sa 296 percent ang napalaya simula noong taon 2023 hanggang 2025.
Sa ginanap na BJMP 34th anniversary, sinabi ni Director Rivera, isa sa malaking pagbabago sa ating jail facilities ay naibsan ang jail decongestion para sa PDL welfare.
“Isa sa naging malaking hamon sa BJMP nitong nakalipas ay kung paano mabibigyang solusyon ang decongestion ng mga jail facilities sa bansa, at nabigyan solusyon naman ito sa pamamagitan ng programa para sa Paralegal Support Services ng ating mga PDL,” ayon kay Rivera.
Ayon pa kay Director Rivera, kabilang sa mga programang ipinatupad ng BJMP ay ang pag-graduate ng 3,152 PDLs at ang pagbibigay ng livelihood program sa 66,354 PDLs upang maturuan silang maghanapbuhay kahit sila’y nasa detention facilities.
“Kabilang sa mga PDL ay nakapagtapos ng kanilang education habang nasa jail facilities at umabot sa 107 PDL ang nagtapos bilang college graduate” sinabi pa ni Rivera.
Kaugnay nito, sinabi naman ni DILG Sec. Juanito Victor Remulla na malaki ang ginagampanang role ng BJMP upang muling maituwid ang buhay ng mga PDL at muling maging mabuting mamamayan ng ating institusyon.
Sinabi pa ni Remulla, ang sakripisyong ito ng BJMP ay walang kapantay.
(PAOLO SANTOS)
