NAGLUNSAD ng malawakang plano si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso matapos ipahayag na nasa “Financial ICU” ang lungsod.
Upang makabawi ang lungsod, pangungunahan ng Task Force FACTS ang reporma habang ang lungsod ay nahaharap sa P10.2 bilyong hindi nababayarang obligasyon.
Sinabi ni Domagoso sa kanyang inaugural State of the City Address, binuo ang FACTS o Fiscal Accountability, Cost Transparency, and Spending dahil na rin sa fiscal mismanagement sa ilalim ng nakaraang administrasyon na naging dahilan upang maubos ang laman ng kaban ng Maynila at maparalisa ang mahahalagang mga serbisyo.
“Nasa financial ICU na po tayo, ang kapitolyo ng bansa,” sabi ng alkalde na inilantad na ang 2024 na badyet ay umabot sa P25.8 bilyon, ngunit ang aktwal na koleksyon ay umabot lamang sa P21.234 bilyon, nag-iwan ng kakulangan na P4.65 bilyon.
Idinetalye ng alkalde na mahigit P10.2 bilyon na disbursement voucher ang nananatiling hindi nababayaran simula noong Hunyo 5, kabilang ang P2.96 bilyon para sa mga supply, P2.25 bilyon para sa pag-aayos ng imprastraktura, P950 milyon para sa pangongolekta ng basura, at P589 milyon sa social pension para sa mga senior citizen.
“May kapabayaan. Pinabayaan o estafa”.
Kabilang sa mga natuklasan ay ang pagtaas ng mga cash advance at job order hire bago at sa panahon ng 2025 election season. Binanggit ng alkalde ang isang pagkakataon kung saan ang P132 milyon ay na-withdraw ng isang empleyado sa isang araw, habang ang mga job order mula sa 8,309 ay umabot hanggang 9,830 sa mga buwan bago ang campaign period.
Nangako rin si Domagoso na ibabalik ang pananagutan at pagtitiwala ng publiko, at sinabing hahabulin ng lungsod ang mga responsable habang tinutugunan ang mga kagyat na alalahanin tulad ng krisis sa basura at kalusugan ng publiko.
(JOCELYN DOMENDEN)
