PAGSUSULONG NG TOTAL BAN SA ONLINE GAMBLING, MATINDING LABAN SA SENADO

AMINADO si Senador Juan Miguel Migz Zubiri na matindi ang magiging laban nila sa pagsusulong na i-ban ang online gambling sa bansa.

Binigyang-diin ni Zubiri na mayayaman at maiimpluwensyang indibidwal ang nasa likod ng ilang mga kilalang online gambling na kinahuhumalingan na rin ng maraming Pilipino.

Sinabi ni Zubiri na batay sa datos sa unang tatlong buwan pa lamang ng taon, umaabot na sa P47 bilyon ang nakolektang buwis mula sa online gambling.

Nangangahulugan anya ito na maraming Pilipino ang tumataya kaya’t hindi siya naniniwalang nasa lima hanggang 10 milyong Pinoy lamang ang tumatangkilik sa online sugal.

Iginiit ng senador na kung hindi aaksyunan at tuluyang ipagbabawal ang online gambling ay magdudulot ito ng mas malaking problema sa bansa dahil bababa ang consumption level dahil ang perang dapat na gagastusin ng taumbayan ay maaaring ipansugal na lamang.

Ipinaalala pa ni Zubiri na sa 2023 statistics ng SEAASIA, nangunguna ang Pilipinas na gambling capital sa buong Asya, pumangalawa ang Cambodia, ikatlo ang Macau, pang-apat ang Vietnam at panglima ang South Korea habang nasa top 3 ang Pilipinas sa online gambling sa mga bansa sa Asya.

(DANG SAMSON-GARCIA)

41

Related posts

Leave a Comment