ISANG 11-anyos na batang lalaki na hinihinalang drug courier, ang nadakip makaraang makumpiskahan ng P34,000 halaga ng umano’y shabu na inilaglag nito sa kalsada sa Lungsod ng Bacolod.
Ayon kay Police Captain Dax Santillan ng Bacolod City Police Station 7, itinurn-over sa kanila ng mga opisyal ng barangay ang suspek na taga-Barangay Singcang Airport, subalit napadpad sa Abada Escay, Barangay Vista Alegre ng naturang lungsod.
Kuwento ng barangay kagawad na si Elizde Bernardino, napansin nila ang batang lalaki na kahina-hinala ang ikinikilos dahilan para kanila itong lapitan.
Sa puntong ito, bigla na lamang inihulog ng bata ang 11 pakete na naglalaman ng shabu na aabot sa halagang P34,000.
Habang sumasailalim sa imbestigasyon, sinabi ng bata na dadalaw siya sa kanyang kamag-anak sa nasabing lugar at napulot sa basurahan ang mga pakete ng shabu.
Sa ngayon, nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad para malaman kung saan nakuha ng suspek ang nasabing shabu.
(JESSE RUIZ)
205
