MGA PULIS NA SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS PWEDENG STATE WITNESS

WELCOME sa Philippine National Police (PNP) na gawing state witness ang mga pulis na isinangkot ng whistleblower na si alyas Totoy sa pagkawala ng mga sabungero.

Nasa 15 miyembro ng PNP mula sa iba’t ibang unit ang isinailalim sa restrictive custody, na ang pinakamataas na ranggo ay Police Colonel.

Ayon kay PNP Chief, PGen. Nicolas Torre III, bagaman malaki ang maitutulong nito sa itinatakbo ng kanilang imbestigasyon, pwede pa rin resolbahin ang kaso sa ibang paraan.

Matatandaan na inihayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) na may mga lumalapit na sa kanila para magsabi ng kanilang nalalaman kasunod ng paglantad ni Julie Dondon Patidongan, alyas Totoy.

Una rito, ibinunyag ni Patidongan na may 15 pulis ang nakalista umano sa payola ng gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang na itinuturo namang utak sa pagkawala at pagkamatay ng mga sabungero.

Samantala, nakatakdang pangunahan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang inisyal na pagsisid sa ilang lugar kung saan sinasabing itinapon ang mga nawawalang sabungero.

May Conviction Kahit Walang Kalansay

Samantala, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na maaari pa ring matuloy ang conviction sa mga suspek kahit walang matagpuang kalansay sa lawa ng Taal sa Talisay, Batangas.

Kasunod ito ng pagsisimula kahapon ng paggalugad ng mga kagawad ng pulisya at coast guard sa baybayin ng lawa para maghanap ng karagdagang ebidensya na magdidiin kina Atong Ang, Gretchen Barretto at iba pa sa kasong pagkidnap at pagpatay sa mga sabungero sa bansa.

Ayon mismo kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Atty. Mico Clavano, ito’y maaaring mangyari sapagkat naaayon naman aniya ito sa batas.

Nagsagawa na ng ‘initial diving operation’ ang DOJ katuwang ang Philippine National Police – Crime Investigation and Detection Group o PNP-CIDG at Philippine Coast Guard.

Paliwanag pa ng naturang tagapagsalita, ang isang indibidwal bilang may sala ay mahahatulan pa rin sa pamamagitan ng ibang paraan na makapagpatunay o makapagdidiin sa naganap na krimen.

Aniya, ang paggamit sa mga larawan at kuhang videos ay maaaring gamitin upang pagtibayin at maipakitang totoo ang pagkamatay.

Dagdag pa ni Spokesperson Mico Clavano, ito’y maiuugnay sa prinsipyo ng ‘corpus delicti’ sa murder na tumutukoy sa substance ng mismong krimen.

Ngunit kung mayroon mang labi na mahanap ang mga otoridad, ito’y magsisilbing karagdagang ebidensya sa krimen na lamang.

Matatandaan na kamakailan ay isiniwalat ng testigong si Julie ‘Dondon’ Patidongan alyas Totoy na inilibing umano ang mga nawawalang sabungero sa bahagi ng Taal Lake.

Kaya’t kasunod nito’y ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang ground zero sa diving operation na isang fishpond lease na pagmamay-ari ng isa sa mga iniimbestigahang suspek.

Aniya’y hindi mawari sa kung paano pinatay ang mga biktimang sabungero sa naturang bahagi o lokasyon sapagkat ang iba ay itinapon rito kahit na buhay pa.

(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)

67

Related posts

Leave a Comment