KALAHATI sa mga nagsusugal at natatalo sa mga online gambling ay ordinaryong Pilipinas na hindi sapat ang sinasahod para magkaroon ng disenteng pamumuhay ang kanilang pamilya.
Ito ang isiniwalat ni 1Tahanan party-list Rep. Nathaniel Oducado na isa sa mga nagpatawag ng imbestigasyon sa malaganap na online gambling na nais ng karamihan na tuluyan nang ipagbawal.
“Over 50% of surveyed online gamblers come from lower-income households earning between P9,000 and P18,200 per month,” pahayag ni Oducado.
Bukod sa mga nabanggit, marami ring walang trabaho, magulang at mga estudyante ang nagugumon sa nasabing sugal na walang kapana-panalo.
Patunay aniya rito ang lumabas sa survey na isang porsyento lamang sa mga nagsusugal ang gumanda ang buhay habang 9.8% ay lalong naghirap kaya dapat na aniyang ipatigil ang sugal na ito sa lalong madaling panahon.
“Lower income groups are heavily affected, risking poverty perpetuation. It is also important to mention that online gambling poses serious social repercussions, including mental health decline,
family conflict and attempted suicide,” ayon pa sa mambabatas.
Sa isang pagdinig ng Senado noong 2022, kumikita ang kumpanya ng negosyanteng si Atong Ang ng hanggang P3 billion kada buwan dahil sa e-sabong.
Walang impormasyon kung magkano ang kinikita ng mga online casino operator na unang pinuna ng Cardinal Virgilio David ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) dahil dumarami ito at ineendorso pa ng kilalang celebrities.
(BERNARD TAGUINOD)
