NACC NAGPASAKLOLO NA SA META PH VS BABY SELLING

UMAPELA ang National Authority for Child Care sa Meta Philippines na tumulong na masawata ang paglaganap ng bentahan ng mga sanggol sa pamamagitan ng social media partikular sa kanilang “Facebook”.

Ito ay makaraan na isang sanggol ang nasagip ng NACC at Philippine National Police matapos na i-post at ibenta sa pamamagitan ng Facebook.

Ayon sa NACC, nito lamang nakalipas na anim na buwan ay may natukoy na 12 Facebook groups na aktibong nagpa-facilitate ng “online baby selling” at may mahigit 200,000 followers.

“I appeal to Meta PH to help us stop the proliferation of Facebook groups facilitating “online baby selling” and other forms of illegal adoption.” “This is no longer a matter of technicality, but a moral obligation expected from a social networking platform operating in the Philippines,” ani NACC Usec. Janella Ejercito Estrada.

Kamakailan ay naglunsad ng joint anti-trafficking in person entrapment and rescue operation ang NACC, sa pangunguna ni Usec. Janella Ejercito Estrada katuwang sina PNP WCPC PBGen. Portia Manalad at Luzon Field Unit Police Lieutenant Colonel Armelina Manalo at nailigtas ang isang buwang sanggol na ibinenta sa pamamagitan ng Facebook sa Pasay City.

Ipinagbili umano ang nasabing sanggol sa halagang P90,000 via Facebook, kaya nagsagawa ng entrapment and rescue operation ang NACC at Luzon Field Unit ng Philippine National Police – Women and Child Protection Center (PNP-WCPC).

Ayon kay Estrada, may mga nagtatangka pa ring magbenta ng mga sanggol gamit ang social media sa likod ng mahigpit na banta ng ahensiya, na nakasagip na ng 11 bata, nakadakip ng 16 na kataong sangkot sa bentahan at isa na ang nahatulan sa korte.

Nabatid na ang NACC ay isang bagong ahensiya na nilikha sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bisa ng Republic Act No. 11642 o Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, na responsable sa mga bagay na may kaugnayan sa alternative child care, kabilang ang adoption o pag ampon, foster care, at iba pang uri ng family-like care.

Sila rin ang may hawak sa proseso ng pagdedeklara na ang bata ay legally available for adoption.

“To sell a child for monetary relief is an immoral, irresponsible and selfish act. A parent who thinks she/he is incapable of raising a child may easily seek support from the barangay women’s desk, or the Local Social Welfare and Development Office. Huwag na po sanang pagkakitaan at ilagay sa panganib ang bata,” dagdag pa NACC Usec. Estrada.

(JESSE RUIZ)

70

Related posts

Leave a Comment