GARBAGE TRUCK TIKLO SA PAGTATAPON NG KATAS NG BASURA

PORAC, Pampanga – Isang garage truck ang nahuli habang nagtatapon nakasusulasok na likido mula sa nabubulok na mga basura sa Barangay Babo Sacan sa nasabing bayan noong Miyerkoles ng umaga.

Ang trak na may plate number na NBM 1282 at minamaneho ni Renato Dela Peña, ay naaktuhan habang nagtatapon ng mabahong likido bandang alas-11 ng umaga makaraang ireklamo ng mga residente ng Barangay Babo Sacan, Planas, Pio, at Barangay Calantas sa bayan ng Floridablanca.

Sa isang live na video na inupload ng isang Fred Paras, napansin ang driver ng trak ng basura na nagsasagawa ng “patiktik,” o ang pag-draining ng mabahong likido na umagos sa barangay ng Babo Sacan.

Agad namang nagtungo sa lugar si Barangay Captain Ronnie Mercado kasama ang mga barangay tanod at nahuli ang driver ng truck.

Sinabi ni Mercado, binalaan lamang nila ang driver at kalaunan ay hinayaan ang trak at pinabalik kung saan ito nanggaling.

Nauna rito, humigit-kumulang 5,000 residente ng Barangay Planas ang humimok sa gobyerno na isara ang operasyon ng Prime Waste, isang Materials Recovery Facility (MRF).

Sinabi ni Barangay Planas Captain Alfer Nacu, mahigit 100 garbage truck ang pumapasok sa Purok 1 kada araw.

Sinabi ni Nacu na bawal pumasok sa Barangay Planas ang mga trak na may dalang katas ng basura.

(ELOISA SILVERIO)

58

Related posts

Leave a Comment