HINAMON ng isang bagitong mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Vice President Sara Duterte na patunayan muna na mali ang alegasyon sa kanya na paglustay sa kanyang confidential funds bago humingi ng mas mataas na pondo.
Ginawa ni Kabataan party-list Rep. Renee Co ang hamon matapos humirit ng P903 million pondo sa 2026 ang Office of the Vice President (OVP) na mas mataas ng P170 million kumpara sa P733 million na pondo ng mga ito ngayong 2025.
“We want accountability, not just delicadeza. Confidential or not, hindi natin kayang ipagkatiwala ang mas malaking budget sa kamay ni VP Sara dahil hindi pa rin nasasagot kung sino si Mary Grace Piattos at iba pang anomalya ng korapsyon,” ani Co.
Hanggang ngayon aniya ay ayaw sagutin ni Duterte kung papaano niya nagastos sa loob ng 11 araw ang P125 million na confidential funds nito noong 2022 at karagdagang P612.5 million noong 2023.
Dahil sa nasabing isyu, binigyan lang ng P733 million noong 2025 ang tanggapan ni Duterte matapos makalkal ang confidential funds noong 2024 na mahigit kalahati ang ibinawas sa P2.026 billion na pondo nito sa nabanggit na taon.
Nabatid na unang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P803 million na pondo ng OVP sa 2026 subalit humiling umano ang tanggapan ng Pangalawang Pangulo ng dagdag kaya magiging P903 million.
Itinuturing din ng mambabatas na iniiwasan lamang ni VP Sara na masingil kaya ayaw nitong matuloy ang impeachment trial at maging ang hindi pagdalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa July 28.
“Kahit propaganda ang laman ng SONA ni Marcos Jr., nakaabang ang mamamayan na mag-rally sa araw ng SONA para ilahad ang tunay na State of the Nation. Tinatakasan lang ni Sara na masingil sa problema ng bayan na sila-sila ang may kagagawan. Face the people VP, sa SONA man o sa trial,” hamon pa ni Co.
(BERNARD TAGUINOD)
