DPA ni BERNARD TAGUINOD
KASISIMULA pa lamang ng huling tatlong taon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at nagsimula na ring manungkulan ang kanyang ika-5 press secretary na si Dave Gomez na kung tatanungin mo ang mga batang reporter, halos walang nakakikilala.
Pinalitan ni Gomez ang dating broadcaster at negosyanteng si Jay Ruiz na noong italaga siya ay maraming humula na hindi siya magtatagal at hindi aaprubahan ng Commission on Appointment (CA) ang kanyang appointment dahil sa kanyang ‘bagahe” nang sumabit ang pangalan nito sa isang multi-million contract sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para ipalabas ang lotto draw.
May grupo ng makukulit na mga reporter na ang pangalan ay “Pasaway”, ang nagpupustahan kung ilang buwan lang mananatili si Gomez bilang press secretary at kung aaprubahan ba ang kanyang appointment lalo na’t may health advocates ang kontra dahil sa koneksyon nito sa isang tobacco company.
Hindi ko na sasabihin kung magkano ang pustahan ng mga Pasaway pero nakakalima na kasi ng press secretary si BBM at ito ang tanging ahensya sa ilalim ng Executive Department ang walang katahimikan at ‘di mapakali.
Una si Atty. Trixie Angeles ang itinalagang press secretary, sinundan ng diyarista at naging abogadang si Cheloy Garafil, sumunod si Cesar Chavez, pinalitan ni Jay Ruiz at ngayon si Gomez.
Malalaman kung uubra ba si Gomez sa kanyang trabaho pero sa naunang apat na press secretary, lahat sila ay hindi nahuli ang kiliti ng masang Pilipino at tagasalag lang sa mga ibinabatong isyu laban sa administrasyon lalo na sa kanilang among Pangulo.
Mali pala ako… hindi pala sinasalag ng mga nagdaang press secretary ang mga batikos sa kanilang amo dahil hindi pala sila nagsasalita sa media. Iba ang nagsasalita at gumagawa sa kanilang trabaho at nag-aapruba lang pala sila ng press release na kung babasahin mo ay hindi pang-masa kundi pang elitista.
Kung talagang nais ng Presidential Communication Office na mapabango ang kanilang amo, bumaba sila sa kanilang pedestal at huwag magbitbit ng mga barkada sa PCO na kung sumulat ay middlemen ang target na audience.
Saka puro reaksyon lang ang PCO sa trolls, sa fake news, sa mga misinformation, disinformation at ang reaksyon nila ay hindi rin pang-masa kundi pang elitista kaya hindi maunawaan ng masa.
Ang trolls, masa ang kanilang followers samantalang ang PCO officials, sino ang followers? Mga middleman na hindi kayang magpanalo ng isang kandidato lalo na ng presidente?
Bakit hindi subukang unahan naman ang trolls o kaya ang mga kritiko ng administrasyon kaysa sila ang laging nauuna at nagre-react lang ang ginagawa ng Malacañang? Sa laban, dapat daw unahan ang kalaban bago sila umatake.
Kung hindi nila gagawin iyan, baka makaka-sampung press secretary si BBM hanggang 2028 at magtatala siya ng pinaka-mababang trust at performance rating pagbaba niya sa Malacañang.
Teka nga pala, ano meron sa Manila Economic Cultural Office (MECO) sa Taiwan at doon inilipat ang mga dating press secretary na sina Garafil at Ruiz? Nagtatanong lang!
