Hindi 12 lang – Napolcom 18 PULIS ANG DAWIT SA MISSING SABUNGEROS

NILINAW kahapon ng National Police Commission (Napolcom) na labing walong pulis at hindi labing dalawang miyembro ng PNP ang sabit sa inihain kaso na may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.

Ayon sa NAPOLCOM, 18 kasapi ng PNP ang nadadawit sa inihaing complaint-affidavit ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan (alias Totoy) kaugnay sa pagdukot sa pinaghahanap na sabungeros.

Ginawa ni National Police Commission Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Calinisan ang paglilinaw kahapon.

“In the complaint affidavit filed by Patidongan yesterday, there were not 12 names. There were actually 18 names there,” aniya. “Roughly, we’re looking into 13 active policemen and possibly five dismissed individuals from the service,” ani Calinisan.

Nitong Lunes ng hapon, naghain si Patidongan ng administrative complaint laban sa police officers sa Napolcom central office sa Quezon City, kasama ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungeros.

Dito pinangalanan niya ang 10 police na karamihan ay kasapi umano ng PNP HPG na sangkot sa pagdukot sa sabong aficionados.

“Currently, the complaint affidavit is being evaluated… If that passes the initial evaluation, then we will send out summons to all of these respondents. We are hoping that they will respond,” ayon pa sa opisyal.

Sa nasabing paghahain ng reklamo, inihayag din ni Patidongan na ilang sangkot na pulis ay sangkot din sa mga pagpatay sa inilunsad na war on drugs ng dating administrasyon.

Isang retired police general din ang nadawit ang pangalan sa nasabing kaso ng mga nawawalang sabungero.

Nakaladkad ang pangalan ni retired police major general Jonnel Estomo, dating PNP Southern Luzon commander, na isa umanong “alpha member” ng cockfighting industry, na nagmungkahi na ipapatay na si Patidongan.

Mariing itinanggi ni retired police general PLTGen. Jonnel Estomo ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kontrobersyal na kaso ng missing sabungeros.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Estomo na iginagalang niya ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero at ang karapatan ng pamilya ng mga biktima na malaman ang totoo at makamit ang hustisya.

Giit ni Estomo, wala syang kinalaman sa isyu at handa siyang maghain ng mga ebidensiya upang linisin ang kanyang pangalan.

Sinabi pa ni Estomo, inihahanda na ng kanyang mga abogado ang kasong isasampa laban kay Julie Patidongan alyas Totoy, dahil sa umano’y paninirang-puri at malisyosong akusasyon.

(JESSE RUIZ)

75

Related posts

Leave a Comment