BAGONG LIDERATO SA KAMARA

EDITORIAL

HINDI pribilehiyo ang pagiging lider ng Kongreso. Isa itong pananagutan at hindi rin pag-aari ng sinoman.

Ito ay posisyong dapat naglilingkod sa interes ng publiko, hindi sa kapangyarihan ng isang tao.

Sa mababang kapulungan, lumala ang akusasyon sa paggamit ng pondo para sa pansariling pulitika, bumagsak ang tiwala ng publiko, at nasira ang pagkakaisa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Nangyari ‘yan sa panunungkulan ni House Speaker Martin Romualdez.

Kaya naman sa pagtatapos pa lamang ng 19th Congress, lumutang na ang mga panawagan para sa bagong Speaker.

Simula nang maupo si Romualdez bilang Speaker, lumobo ang pondo para sa mga proyekto ng mambabatas na wala namang malinaw na batayan o proseso. Mula P151 bilyon noong 2022, tumaas sa mahigit P532 bilyon ang unprogrammed appropriations sa 2025. Ang bahagi nito, ipinasok sa Department of Public Works and Highways nang walang malinaw na paliwanag.

Kasabay nito, nabawasan naman ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan. Mas pinili ang political survival kaysa sa kapakanan ng mamamayan.

Malinaw rin ang pagbagsak ng kumpiyansa ng publiko kay Romualdez. Sa mga survey, malayo ang agwat ng kanyang ratings kumpara sa ibang opisyal ng gobyerno.

Ang patuloy niyang pagtutulak sa Charter change, kahit malakas ang pagtutol ng taumbayan, ay patunay ng pagkakahiwalay niya sa sentimyento ng publiko.

Sa ilalim din niya nabuwag ang Marcos–Duterte Uniteam. Ang pagbawas ng pondo sa Office of the Vice President ay hindi simpleng usaping budget, kundi isang pampulitikang hakbang na lalong nagpalalim sa sigalot sa pagitan ng mga kampo.

Bukod sa mga isyung ito, may mga reklamo laban kay Romualdez na may kinalaman sa katiwalian at paglabag sa mga desisyon ng Korte Suprema. Hindi man napatunayan sa ngayon, sapat na ang mga reklamong ito para kwestyunin ang kanyang pananatili sa puwesto.

Ang 20th Congress ay may kapangyarihan at responsibilidad na itama ang direksyon ng institusyon. Ang pagpili ng bagong Speaker ay hindi simpleng pulitika. Ito ay hakbang tungo sa pagbabalik ng tiwala ng taumbayan sa Kamara.

Panahon nang palitan si Romualdez.

45

Related posts

Leave a Comment