8 MANGINGISDA NASAGIP NG PHIL. COAST GUARD

WALONG mangingisda ang sinaklolohan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagpapalutang-lutang ang kanilang nasirang fishing boat sa dagat malapit Zambales.

Ayon sa Philippine Coast Guard, nakatangap ng distress call ang kanilang BRP Teresa Magbanua noong linggo ng gabi mula sa F/B Grey Erron, na nakararanas umano ng clutch disk transmission failure.

Dahil sa nararanasang engine failure, naubusan umano ito ng supply ng kuryente habang nagpapalutang-lutang, may 70 nautical miles (129 kilometers) kanluran bahagi ng Botolan, Zambales.

Nabatid din na isa sa walong sakay ng distressed vessel ay may namamagang mga binti dahil sa arthritis.

Narating ng PCG ang lokasyon ng fishing boat pasado alas-7:00 na ng gabi kaya binantayan na lamang nila ang mga ito at kinabukasan ay nagpadala sila ng Rigid Hull Inflatable Boat (RHIB) para sa agarang tulong.

Matapos mabigyan ng tubig at gamot ang mga tripulante ay dinala sa pagamutan ang mangingisda na may namamagang binti kasama ang dalawang iba pa para sa kaukulang medical evaluation.

Kasunod nito, sumampa ang BRP Teresa Magbanua’s engineering team para masuri ang makina ng fishing vessel at i-recharge ang main engine battery.

Noong Martes ay naibalik ng coast guard ang rescued fishermen kasama ang pasyente pabalik sa kanilang home vessel.

(JESSE RUIZ)

43

Related posts

Leave a Comment