TAUMBAYAN UBOS NA PASENSYA SA TAGAL NG IMPEACHMENT TRIAL

NAUUBOS na ang pasensya ng mas nakararaming Pilipino sa pagkabalam ng paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

Ganito binasa ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang resulta ng Social Weather Station (SWS) survey na nagsasabing 66 percent ng mga respondent ay naniniwalang dapat harapin ni Duterte ang ibinabatong alegasyon sa kanya partikular sa paggamit ng kanyang confidential funds.

“I think it can come to that (nauubos na ang pasensya) conclusion from the result of the survey,” ani Diokno sa press conference kahapon sa Kamara dahil parami nang parami ang nagnanais na harapin ni Duterte ang kanyang kaso.

Noong nakaraang buwan, lumabas sa isa pang survey, 44% lamang ang nagsasabing dapat matuloy na ang impeachment trial laban kay Duterte na indikasyon na nauubos na umano ang pasensya ng mga tao sa kahihintay.

Isa sa dahilan ng pagkaka-delay ng impeachment trial ang pag-akyat ni Duterte sa Supreme Court (SC) para kwestiyunin ang impeachment case na dinala ng Kamara sa Senado dahil sa paniniwalang paglabag ito sa one year ban rule.

Inaksyunan na ito ng SC sa pamamagitan ng pag-aatas sa Kamara na magsumite ng mga ebidensya na hindi nilabag ng mga ito ang one year ban rule nang iakyat sa Senado ang ikaapat na impeachment complaint na nabuo noong Pebrero 2025 gayung may unang tatlong kaso na naisampa noong December 2024.

Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio na hindi na umubra ang ‘drama’ ng kampo ni Duterte at maging ng Senado sa taumbayan para idelay ang paglilitis.

“Well, malinaw na whether drama ng kampo nina Vice President Sara at drama sa Senado, yung pagpopostura sa Senado na Duterte bloc na ineentertain ni Senator (Chiz) Escudero na ididismis na lang ay malinaw na tinatanggihan ito ng overwhelming majority ng mga kababayan natin,” paliwanag ni Tinio.

“Gusto talaga nila (taumbayan) na masagot yung tanong: Anong nangyari sa pondo, nasaan yung pondo ng confidential funds? Sa pamamagitan lang ng Impeachment trial sasagutin yan. That’s the clear sentiment of majority of Filipinos,” ani Tinio.

(BERNARD TAGUINOD)

52

Related posts

Leave a Comment