WALA PANG NAKAKASUHAN AT NAKUKULONG SA FLOOD CONTROL PROJECTS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAGRE-RESEARCH ako kung meron na bang nakasuhan o nakulong sa anomalya sa flood control projects na mas malala pa kaysa fertilizer scam noon panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Pero sa awa ng langit ay wala akong makitang report na may congressman, district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kontraktor ang nakasuhan man lamang.

Buti pa ‘yung mga sangkot sa fertilizer scam ay may mga opisyales ng Department of Agriculture (DA) at congressman ang nasentensyahan at nasira ang political career bagama’t hindi nakatikim ng hoyo, pero itong flood control projects na mas malaki, mukhang walang political will ang gobyerno na panagutin ang mga magkasala.

Mula 2017 hanggang 2024, umaabot sa P1.077 trilyon… opo, trilyong piso ang pondong inilaan sa flood control projects pero imbes na maresolba ang pagbaha, hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa mga probinsya tuwing umuulan, ay lumalala pa.

Heto ang listahan: Noong 2017 at 2018, P213 billion ang inilaang pondo sa flood control projects, at noong 2019 ay muling naglaan ang gobyerno ng P119 billion.

Sa report din ng Senado, P90 billion ang natanggap ng DPWH na pondo sa flood control projects noong 2020; P101 billion noong 2021; P128 billion noong 2022; P182 billion noong 2023; at 244 billion noong 2024.

Hindi pa kasama riyan ang pondo ngayong 2025, pero sa laki ng pondong ito na mula sa buwis ng mamamayan at ang iba ay inutang pa pero tayo pa rin ang magbabayad ng principal na utang at interes, ay hindi pa rin nareresolba ang pagbaha?

Saan napunta ang pera? Hindi lang sa Metro Manila ang problema sa pagbaha kundi sa mga probinsya na malaki rin ang parte sa pondong ito, lumalala at nararamdaman ang problema kapag panahon na ng tag-ulan.

Open secret sa lahat na may papel ang mga congressman, hindi siguro lahat, sa flood control projects sa kanilang mga distrito, dahil kung hindi bilyon ay daan-daang milyong piso ang pinag-uusapang budget dyan.

Talagang sa pakikialam iyan ng mga congressman dahil ‘yung ngang P1 million na proyekto ay pinapatos ng kanyang mga dummy contractor, bilyon-bilyong o kaya daan-daang milyong piso pa kaya?

Marami sa mga congressman ang dating kontraktor bago nila pinasok ang pulitika at noong manalo sila, kunwari ay isinuko nila ang interes sa kanilang kumpanya pero ang nagpapatakbo ay anak, asawa o kaya kapatid. Pinagloloko tayo eh ‘di ba? ‘Yung iba naman ay may favorite contractor.

Ang problema rin sa mga congressman at senador na pumupuna sa mga proyektong ito, hanggang ngawa lang sila. Ngumangawngaw lang ‘pag binabaha sila pero kapag humupa na ang tubig baha, nakalimutan na ang problema at hindi ipinupursige ang krusada na panagutin ang mga nasa likod ng pagnanakaw sa pondo ng flood control projects. Hayy, Pinas nga naman!

29

Related posts

Leave a Comment