ADIK SA K-DRAMA PERO AYAW SA TELESERYE: Sapat Ba ang Suporta Natin sa Sariling Atin?

GEN Z ni LEA BAJASAN

Dati, kaya kong tapusin ang isang buong K-drama sa loob lang ng dalawang araw. Wala munang tulog, kanselado ang lakad, at naiiwan ang mga gawain sa bahay. Basta gusto ko lang malaman ang susunod na mangyayari. Tumatawa ako, naiiyak, kinikilig. Kahit hindi ko naiintindihan ang lyrics ng OST, kabisado ko pa rin. Bumibili pa ako ng merch minsan. Pero sa totoo lang, hindi ko na maalala kung kailan ako huling nanood ng teleserye. At alam kong hindi lang ako ang ganito.

Kapag nag-scroll tayo sa social media, puro papuri sa Korean dramas ang makikita. Magaling ang acting, ang kwento, ang cinematography, pati mga damit. Pero ‘pag Pinoy shows na ang usapan, puro reklamo agad: “baduy,” “paulit-ulit,” “OA,” o minsan pa, “nakahihiya.” Ang sakit pakinggan, lalo na kung para sa sarili nating gawa ang mga ganitong komento.

Totoo naman na may ilang teleserye na parang pare-pareho ang kwento. Pero may magagandang palabas din, kung pagbibigyan lang natin. Naalala n’yo ba ang “Pangako Sa ‘yo”? Ipinalalabas ito sa mahigit dalawampung bansa. Napapanood din sa ibang parte ng Africa at Asia ang “Darna” at “FPJ’s Ang Probinsyano.” Pati ang “The Legal Wife,” nagkaroon ng fans sa ibang bansa. Ibig sabihin, may kalidad ang gawa natin. Pero bakit parang tayo mismo, hindi naniniwala?

Madalas kasi, sanay na tayong maliitin ang sariling atin. Kapag dayuhan ang palabas, bigay-todo ang suporta. Pero kapag gawang Pinoy, mabilis ang husga. Hindi pa nga natin pinanonood, may masasabi na agad. Hindi naman ibig sabihin na lahat ng local shows ay perpekto. Pero hindi rin tama na lahat na lang ay pintasan.

Alam natin na hirap ang mga gumagawa ng lokal na palabas. Ang mga writer, artista, at production team ay nagtatrabaho nang walang tigil. Minsan kulang ang pondo. Minsan minamadali. Sa ibang bansa, may sapat na panahon para magplano. Sa atin, isinusulat ang script habang umeere na. Hindi ba’t mas dapat tayong humanga sa sipag nila?

May pagbabago na ring unti-unting nararamdaman.  Ang “Maria Clara at Ibarra” ay pinag-usapan ng lahat. Nagustuhan ito ng mga kabataan. “On the Job: The Missing 8” ay napansin sa Venice Film Festival. May mga pelikula tayong nanalo sa ibang bansa. May mga aktor tayong hinahangaan sa international stage. Kung kaya ng iba, kaya rin natin. Kailangan lang ng tiwala. Marami pang bagong direktor at writer na naghahatid ng sariwang ideya. Deserve nilang mapansin.

Hindi ko naman sinasabing huwag na manood ng K-drama. Pero kung kaya nating ma-in love sa kwento ng iba, bakit hindi natin subukang mahalin ang sarili nating kwento? Huwag nating ikahiya ang sariling atin. Sa ibang bansa nga, ina-appreciate ang teleserye natin. Tayo pa kaya?

Mahalaga ang suporta. Hindi lang ito sa salita. Panoorin natin ang sariling atin. Hindi lang sa background habang nagluluto. Talagang panoorin. Pag-usapan sa social media. I-recommend sa kaibigan. I-share kung maganda. Bumili ng ticket sa sinehan. Mag-subscribe sa legal streaming. Iparamdam sa mga gumagawa na may nanonood sa kanila.

Subukan mo ngayong linggo: isang teleserye o pelikula lang. Bigyan mo ng oras. Malay mo, magustuhan mo. Dito nagsisimula ang tunay na suporta. At balang araw, baka hindi lang ibang bansa ang humanga sa atin. Tayong lahat din mismo.

28

Related posts

Leave a Comment