PINAKITA sa media ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang 110 kilos na shabu na nagkakahalaga ng P749 million na nakatago sa balikbayan box mula sa California, USA matapos itong masabat ng Customs Intelligence Investigation Services sa Manila International Container Port sa pamumuno ni CIIS Chief Alvin Enciso.
UPANG ipakita ni Bureau of Custom Commissioner Ariel F. Nepomuceno na seryoso ang Aduana sa pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na pagsawata sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa, ipinag-utos nito ang malalimang imbestigasyon sa nabulgar na modus ngayon ng paggamit ng balikbayan boxes para magpasok ng bulto-bultong droga sa bansa.
Kasunod ito ng pagkakadiskubre sa 110.24 kilo ng shabu na tinatayang may street value na aabot sa P749 milyon, sa Manila International Container Port sa Maynila.
Personal na siniyasat kahapon ni Commissioner Nepomuceno ang nadiskubreng consolidated shipment ng balikbayan boxes na naglalaman ng shabu kahapon sa MICP.
Kinumpirma ni Nepomuceno na una rito ay nakatanggap sila ng credible intelligence hinggil sa paparating na mga bagahe kaya naglabas agad sila ng Alert Order sa isang 40-ft container van na idineklarang naglalaman ng balikbayan boxes.
Matapos ang 100% inspection sa kargamento ay tumambad ang 110.24 kilograms ng methamphetamine hydrochloride (shabu) na nakasilid sa apat na kahon at sinasabing nagkakahalaga ng P749.63 milyon.
Katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), agad nagsagawa ng confirmatory testing sa kinuhang samples mula kontrabando.
Lumitaw sa pagsusuri na tunay na shabu na may mataas kalidad, ang nasabat ng mga tauhan ng BOC, partikular ng kanilang Custom Intelligence and Investigation Division.
Nakatakdang i-turn over sa PDEA ang nasabat na mga kontrabando para sa follow-up operation para sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at R.A. No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act.
(JESSE RUIZ)
