NDRRMC AT OCD RED ALERT KAY ‘CRISING’

GANAP na tanghaling tapat kahapon ay tinaas ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang antas ng alerto mula sa Blue Alert Status patungo sa Red Alert Status dahil sa banta na dala ng Bagyong Crising sa bansa na posibleng palalain pa ng nararanasang Habagat o Southwest Monsoon.

Kasabay sa pag-iral ng pinakamataas na alerto ng NDRRMC, inatasan na ang lahat ng ahensya na nasa ilalim ng NDRRMC, na maging handa at patuloy na nakaantabay sa mga posibleng kaganapan at magiging epekto ng bagyo.

Nanawagan at nagpaalala ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko at maging sa mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at handa sa mga posibleng maging epekto ng Bagyong Crising sa bansa.

Posible kasing mas lumakas pa ng bagyo bunsod ng Habagat na siya namang magdadala ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa na maaari namang maging sanhi ng mga pagbaha, at landslide partikular sa disaster prone areas.

Kahapon pa lamang ay nakaranas na ng malalakas na pag-ulan ang Metro Manila at ilang lalawigan dala ng epekto ng Tropical Depression Crising at southwest monsoon, o habagat, ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

“Numerous flooding events are likely, especially in areas that are urbanized, low-lying, or near rivers,” dagdag pa ng Pagasa, “Landslides are likely in moderate to highly susceptible areas.” Ito ay makaraang itaas ang signal No. 1 sa ilang lalawigan.

Base sa Memorandum no. 170 ng NDRRMC, inatasan nito ang naka-duty na mga opisyal at tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at maging mga tauhan mula sa technical staffs ng mga tanggapan ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), at ilan pang mga katuwang na ahensya na magbigay ng tulong at koordinasyon sa Operations Center para sa agarang pagpapaabot ng assistance sa magiging pagtama ng bagyo.

Ayon kay OCD Officer-in-Charge at Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, dapat bigyang halaga ang pakikinig sa mga abiso at pagsunod sa magiging mga abiso ng mga awtoridad.

Tinawag din ni Alejandro ang atensyon ng mga lokal na pamahalaan na agahan ang pag-activate sa kanilang disaster response plans at agad na ring mag-preposition ng relief goods para sa kanilang nasasakupan.

Samantala, paalala naman ni Alejandro sa mga residenteng naninirahan sa flood-prone areas, maghanda na agad ng ‘go bags’ at sumunod sa evacuation orders upang matiyak ang kani-kanilang kaligtasan.

(JESSE RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment