3 PATAY, LIBONG BAKWIT INIWAN NG ‘CRISING’, HABAGAT

NAGTALA na ng tatlo kataong nasawi, tatlong nasugatan at libo ang dinala sa evacuation centers dulot ng pagsasanib ng Severe Tropical Storm Crising (international name: Wipha) at Southwest Monsoon (Habagat).

Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga, sinabi nito na ang dalawang nasawi ay mula sa Northern Mindanao, habang ang isa naman ay mula sa Davao Region.

Ang lahat ng nasugatan ay mula sa SOCCSKSARGEN.

Iniulat din ng NDRRMC na may tatlo katao na nawawala na pawang mula sa Western Visayas.

“The reported casualties are for validation,” ayon sa NDRRMC.

May kabuuang 370,289 indibidwal, o 120,008 pamilya ang apektado ng Crising.

Nananatili naman ang higit sa 22,000 evacuees sa mga evacuation center.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), patuloy nilang minomonitor at binabantayan ang mga ulat na kanilang matatanggap mula sa mga residente hinggil pa rin sa epekto ni Crising at ng Habagat.

Nabatid na sa bahagi ng Central Luzon, mayroong hindi bababa sa 40,000 pamilya ang apektado habang higit sa 21,000 naman ang inilikas sa Western Visayas.

Si Crising ay lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR), araw ng Sabado.

Samantala, sa 4 a.m. weather forecast nitong Linggo, sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang Southwest Monsoon na magdadala ng pag-ulan sa ilang lugar sa bansa.

(CHRISTIAN DALE)

25

Related posts

Leave a Comment