MATINDING PAGBAHA SA PALAWAN PAIIMBESTIGAHAN SA SENADO

NANAWAGAN si Senator Erwin Tulfo ng agarang imbestigasyon sa paulit-ulit at matitinding pagbaha sa Puerto Princesa City, Palawan matapos ang panibagong insidente nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 18.

Halos isandaang pamilya ang sinagip ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang barangay sa lungsod matapos bahain ang kanilang mga kabahayan dulot ng Bagyong Crising.

Ayon sa ulat, higit sa 6,000 pamilya mula sa 31 barangay ang naapektuhan at nawalan ng tirahan.

Matatandaang Pebrero ngayong taon nang mapasailalim sa state of calamity ang lungsod nang malubog ito sa baha dahil lamang sa “shear line” o iyong mabilis na pagbabago ng direksyon ng hangin.

Ito ang nais silipin ni Senador Erwin Tulfo kung bakit tila lagi na lang lubog sa baha ang naturang lugar kapag umuulan.

“Halos isandaang pamilya o mahigit 200 na indibidwal ang nareskyu ng Coast Guard sa isang barangay sa Puerto Princesa dahil nalubog na ang mga bahay nila sa tubig baha,” ani Sen. Tulfo.

Dagdag pa niya na nitong Pebrero rin, bagama’t walang bagyo, lumubog ang ilang barangay ng lungsod. “Gusto kong malaman at ng mga taga Palawan kung bakit sila binabaha ngayon doon,” anang neophyte senator.

“Wala ba silang maayos na drainage system? Palpak ba ang kanilang urban planning? Kalbo na ba ang kabundukan doon dahil sa illegal logging at mining?” tanong ni Tulfo.

Ayon pa sa mambabatas na lumaki sa Palawan, “kailangan ng mga residente ng malinaw na paliwanag mula sa Local Government Unit at government agencies kung ano o saan ang problema.

Dagdag pa ng Senador na maghahain siya ngayong araw (Lunes) ng resolusyon para maimbestigahan ang pagbaha sa lalawigan at magawan ng paraan sa lalong madaling panahon.

“At kung kailangan na may managot dahil sa naging pabaya o nagnakaw – so be it,” pahabol pa ni Tulfo.

25

Related posts

Leave a Comment