SINOPLA SA KAMARA: PADILLA MAINIT LANG SA BATANG ‘KRIMINAL’

SINUPALPAL ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Sen. Robin Padilla dahil habang gusto niyang absweltuhin sa pagpatay si dating pangulong Rodrigo Duterte ay nais naman niyang parusahan ang mga batang nagkakasala sa batas.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Renee Co, wala sa hulog ang panukalang batas ni Padilla na naglalayong ibaba sa minimum age ang maaaring mapanagot sa mga heinous crime tulad ng parricide, murder, infanticide, robbery with homicide o rape, at drug-related offenses.

Nais ni Padilla na lahat ng magkakasala sa nasabing krimen na edad 10 hanggang 17 ay dapat panagutin dahil sa kasalukuyang batas, hindi nakakasuhan kung wala pang 18-anyos.

“Kung krimen din lang ang usapin, bakit gusto niyong iligtas sa paglilitis si Rodrigo Duterte na mastermind ng mga heinous crimes na pumaslang ng libo-libong kabataan habang pangulo, pero ang mga batang nagkasala, gigil na gigil kayong habuling mapakulong?” tanong ni Co.

Sinabi ng mambabatas na ang mga bata, kahit labis ang paglabag, pwede pa aniya magbago — pero ang matandang walang konsensiya sa kasalanan niya, na tulad ni Duterte ay nais iligtas ni Padilla.

“Walang batang kusang papatay ng kapwa tao dahil lang protektado siya sa pagkakulong. Ang sahol ng judgment ni Sen. Padilla sa kabataan para sabihing lumalakas ang loob nilang i-risk maging kriminal. May pag-aaral bang nagpapatunay nito? Huwag po sana puro bias ang pinapairal. Bakit galit kayo sa kabataan?” ayon pa kay Co.

Upang maiwas aniya sa krimen ang mga kabataan, dapat tulungan ang pamilya ng mga ito na magkaroon ng nakabubuhay na sahod, magkaroon ng dekalidad ng edukasyon upang lumaki ang mga ito na may pagmamahal sa bayan at kapwa.

“Hindi sa parusa pinakamatitiyak ang disiplina, pero sa tunay na pagbabago ng sistema,” payo ni Co kay Padilla.

(BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment