PUNA ni JOEL O. AMONGO
KAPAG may malaking usaping legal, hindi nawawala ang mga opinyon. May mga abogado, may mga eksperto, at may mga netizen na may kanya-kanyang paliwanag.
Pero sa ilalim ng ating Konstitusyon, iisang institusyon lang ang may kapangyarihang magbigay ng pinal na interpretasyon ng batas. Ito ay ang Korte Suprema.
Labinlimang mahistrado ang bumubuo sa Korte Suprema. Sila lang ang may karapatang magsabi kung tama o mali ang isang proseso, kung naaayon ito sa Konstitusyon, at kung dapat ba itong ituloy o itigil.
Hindi ito trabaho ng Pangulo, ng Senado, ng Kamara, o ng sinomang opisyal. Hindi rin ito desisyon ng publiko o ng social media.
Kaya sa kaso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, malinaw kung sino ang dapat hintayin. Hindi ang Senado, hindi ang Malacañang, kundi ang pasya ng Korte Suprema.
May mga nagsasabing ginagamit daw ang Korte Suprema para pahabain ang proseso. May ilang nagbibintang na ito raw ay taktika para i-delay ang paglilitis.
Pero hindi ito makatwiran. Ang Korte Suprema ay hindi basta sumusunod sa politiko o sa pressure mula sa publiko. Sa maraming pagkakataon, pinatunayan na ng Korte Suprema na ang batas at Konstitusyon lang ang sinusunod nito.
Oo, may mga kontrobersyal na desisyon ang Korte Suprema sa nakaraan, pero hindi iyon dahilan para kuwestyunin agad ang bawat kilos ng mga mahistrado.
Hindi lahat ng hindi natin gusto ay mali. At kung ang magiging desisyon ay hindi pabor sa opinyon ng ilan, kailangan pa rin itong igalang.
May ilan na gusto nang ituloy agad ang impeachment trial kahit may nakabinbing kaso sa Korte Suprema.
Pero paano kung sabihing may problema ang mismong proseso ng impeachment? Dapat ba itong ipagpatuloy pa rin? Handa ba ang mga nagsusulong na huminto kung iyon ang pasya?
Ang tunay na pagsunod sa batas ay nasusukat sa kakayahang tanggapin ang desisyon kahit hindi ito pabor sa atin. Rule of law ang prinsipyo ng demokrasya, at hindi ito pwedeng gamitin lang kapag convenient.
Ginawa na ng Senado ang bahagi nito sa paggalang sa Korte Suprema. Ngayon, tungkulin nating lahat ang maghintay. At kapag dumating na ang pasya ng Korte Suprema, dapat itong sundin, kahit sino pa ang tama o mali sa opinyon ng publiko.
Binuo ang Korte Suprema para kumilitas sa huling pagkakataon ng mga kaso na umaakyat sa kanila, kung anoman ang kanilang desisyon ay igalang natin at ‘wag natin sila panghimasukan.
Pabor man kayo o hindi sa impeachment laban kay VP Sara ay hintayin at igalang natin ang pasya ng Korte Suprema.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email operario@gmail.com.
