BISTADOR ni RUDY SIM
DUWAG, ganito ilarawan ng ilang concerned government employees ng Bureau of Immigration, ang umano’y personal na pag-atake ni BI Commissioner Joel Anthony Viado sa kaalitan nitong opisyal ng ahensya kasunod ng sunod-sunod na department orders at memorandum orders na ipinalabas na nag-aalis ng kapangyarihan sa isang tanggapan dito.
Nag-ugat ang sigalot ng dalawang opisyal ng BI nang sumugod at nagsisigaw si Viado upang tapusin at pirmahan sa isinagawang meeting noong Mayo 2, ng Bids and Awards Committee, ang P2.9 bilyong E-Gates project ng pamahalaan para sa modernisasyon ng ating mga paliparan sa bansa, na matatandaang mismong si DOJ Secretary Boying Remulla ay nagtungo pa kamakailan sa NAIA Terminal 3 at agad na bumanat na mayroong nakikialam sa naturang proyekto? Hindi ba’t parang baliktad ata, Mr. Secretary? Hindi ba’t ang bata mo ang nagpupumilit na pirmahan agad ang project para sa isasagawang bidding kuno?
Ang vice-chairman ng Bids and Awards Committee na siya ring executive chairman ng Board of Special Inquiry na si Atty. Gilberto Repizo, mula nang ito ay magsiwalat na mayroong nilulutong katiwalian sa pamunuan ni Viado, ay agad na pinag-initan, at naglabas ang DOJ na siyang mother agency ng BI, ng department order na inatasan si Repizo na siya ay inililipat sa Office of the Secretary ng justice department, ngunit ito naman ay pinalagan ng opisyal at agad na lumiham sa CSC para sa legal na aksyon dahil permanent position ang kanyang puwesto.
Ilang malalaking kaso ang hinahawakan ng BI-BSI, isa na rito ang fake Filipino issue kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. January pa lamang ng taon ay naglabas na ang BSI ng resolusyon na kanilang pinagtibay na peke ang citizenship ni Guo ngunit ito ay tinulugan ni Viado hanggang nito lamang nakaraang buwan ay naglabas na ang Manila RTC ng desisyon na hindi tunay na Pilipino si Guo.
Halos hindi na mabilang ang ilang katiwalian ng ahensya sa pamumuno ni Viado mula nang ito ay maupo sa BI, ilan na nga rito ay ang mga nahuling POGO na agad na pinakawalan imbes na ipa-deport, ang bail o piyansa sa mayayamang Intsik sa BI detention center, ice room business para sa VIP inmates, at bakit kamakailan ay tila nilinlang ang publiko sa kaso ni Tony Yang? Hindi ba’t ito ay nakapagpiyansa at hinuli ulit? Sino ba ang pumipirma ng piyansa ng dayuhan, hindi ba’t ikaw Vayad-O?
Bago matapos ang buwan ay magreretiro na ang pang-anim na naging Ombudsman ng bansa na si Samuel Martires, at ito naman ang target na makuha ni DOJ Secretary Boying Remulla, ngunit maugong na pag-alis ni Remulla sa ahensya ay nanganganib na ring masibak si Viado sa BSI, at sa natitirang mga araw nito sa ahensya, ay tila nagiging Martial Law na ang BI dahil tinanggalan ng pangil ang chairman na si Repizo at pansamantalang inilagay bilang acting ang dating nasangkot sa Pastillas scheme na si Ruben Casibang. Ang naging aksyon ni Viado ay apektado ang ahensya maging ang mga empleyado dahil sa personal na paghihiganti nito.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
