MAAGANG nagdeklara si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na walang pasok ang lahat ng pampubliko at pribadong eskwelahan bukas, Hulyo 22 dahil na rin sa masamang panahon.
Sa mga empleyado ng Manila City Hall, sinabi ng alkalde na antabayanan lamang ang anunsyo bukas kung may pasok sa trabaho o wala.
Pinayuhan din ang mga bata na huwag magpagala-gala at manatili na lamang sa loob ng bahay .
Sa mga residente, pinayuhan ng alkalde na maghanda at tiyaking fully charge ang mga cellphone upang laging updated sa mga pangyayari, mag-imbak ng malinis na inumin at pagkain dahil aniya hindi natin alam gaano kalakas ang ulan na dala ng hanging Habagat.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga barangay official na patuloy maging vigilant at alerto rin para tugunan ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan.
Ginawa ng alkalde ang pahayag sa Yorme’s Hour Emergency Announcement sa suspensyon ng klase at sitwasyon sa baha.
Pinalalahanan din ng alkalde ang mga bumibiyahe sa kahabaan ng Taft Avenue, Nakpil at UN Avenue na huwag dumaan sa south at northbound dahil kanila itong isasara para alamin kung bakit parating barado ang mga drainage at bumabaha.
‘Kami po ay nagpulong-pulong –once and for all, calling all resources of the national government and the local government through the leadership of Regional Director ng DPWH and the north and south of Manila , their equipment and logistics and in the case of the city of Manila –our engineering office, DPS and Manila Traffic Bureau will conduct massive drainage check up and clean-up if needed,” pahayag ni Domagoso.
Aniya bubuksan ang malalaking kwadradong manhole kung saan kakailanganin ng malaking equipment mula sa DPWH at pamahalaang lungsod ng Maynila.
Payo ng alkalde sa mga motorista na iwasan ang nasabing kalye kung kinakailangan dahil sa gagagawing massive drainage check-up at clean-up. (JOCELYN DOMENDEN)
