PANUKALA NI BAM NA MAGPAPABILIS SA PAGTATAYO NG MGA SILID-ARALAN, SUPORTADO NG DEPED

NAKAKUHA ng matibay na suporta mula kay Education Secretary Sonny Angara ang panukalang batas ni Senator Bam Aquino na naglalayong pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa bansa.

Buong suporta ang ibinigay ni Angara sa Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act ni Aquino, na magbibigay ng awtorisasyon sa mga kwalipikadong local government units (LGUs) at pribadong sektor na magtayo ng silid-aralan na sumusunod sa mga pamantayan, sa tulong ng pondo mula sa pambansang gobyerno.

Ayon kay Angara, tugma ang panukala sa mga hakbang ng Department of Education (DepEd) upang tugunan ang kakulangan ng classroom sa sa mga pampublikong paaralan.

“Nagpapasalamat tayo kay Secretary Angara sa kanyang suporta sa ating panukala na makatutulong para resolbahin ang napakalaking kakulangan sa classroom ng ating bansa. Kailangan natin ng tulong ng bawat isa para ito’y masolusyunan para sa kapakanan ng ating mga estudyante,” wika ni Aquino matapos ang kanilang pulong ni Angara.

Batay sa Year 2 Report ng EDCOM II, humigit-kumulang 165,000 silid-aralan pa ang kulang sa buong bansa, dahilan kung bakit napipilitang magpatupad ang mga paaralan ng multiple shifts at alternative delivery modes.

Nangako rin ang senador na itutulak ang mga panukalang batas na suportado ng DepEd — gaya ng pag-amyenda para mapalawak ang Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na isinulong ni Aquino noong 17th Congress bilang principal sponsor. Titiyakin din niya na sapat na pondo ang ahensiya.

“Naririto tayo para suportahan ang mga proyekto, programa, at mga polisiya na nais isulong ng DepEd para maresolba ang mga isyung kinakaharap ng ating sistemang pang-edukasyon,” ani Aquino.

Maliban sa Classroom-Building Acceleration Program (CAP), kabilang sa sampung panukalang batas ni Aquino na may kinalaman sa edukasyon ang School-to-Employment Program (STEP) Act, Amendments to RA 10931, Bayanihan Work Program Act, Adopt-A-School Act of 2025, Angat Sweldo Para sa Guro Act, Libreng RLE Act, E-Textbook Para sa Lahat Act, Student Discount Para sa Load Act, at Private Education Voucher Expansion (PEVE) Act.

43

Related posts

Leave a Comment