METRO MANILA FLOOD MANAGEMENT PROJECT SA Q.C.

TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG

HINDI na bago ang Metro Manila Flood Management Project.

Matagal na itong ideya, matagal nang planado, at matagal na ring inaasahan ng mamamayan.

Ngunit ngayong pormal nang lumagda sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, DPWH Cluster Project Director Ramon Arriola, at MMDA Chairman Romando Artes sa isang usufruct agreement para rito, muling nabigyan ng pag-asa ang mga residente ng lungsod, lalo na ang mga nakatira sa mga lugar na taon-taong binabaha.

Ang proyekto, sa ilalim ng pamumuno ng national government at pakikipagtulungan ng Quezon City Government, ay may layuning i-upgrade ang 36 pumping stations at magtayo ng karagdagang 20 pa sa buong Kalakhang Maynila.

Sa Quezon City pa lang, apat na pumping station na agad ang inaasahang itatayo sa mga Barangay Roxas, Tatalon, at Doña Imelda. Tatlo sa mga ito ay itatayo sa mismong lupang pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan, isang patunay ng matibay na kooperasyon at agarang pagkilos para sa kapakanan ng publiko.

Kailangang maisakatuparan ang proyekto lalo na’t sa harap ng lumalalang epekto ng climate change at walang patid na urbanisasyon.

Tama lang na sa wakas ay umuusad na ito, huli man, at least hindi pa huli ang lahat.

Hindi rin maikakaila na naging mahalaga ang papel ng pamahalaang lungsod sa paggarantiya ng lupa para pagtayuan ng pumping stations.

Ito’y malinaw na mensahe, kapag nagkaisa ang mga ahensya ng gobyerno, mula nasyunal hanggang lokal, walang imposible.

At dito rin dapat papurihan sina Mayor Belmonte at MMDA Chair Artes sa kanilang political will na paigtingin at isulong ang proyektong ito.

Ngayong may malinaw nang kasunduan at direksyon, ang dapat tutukan ngayon ay ang implementasyon.

Kailangang tiyakin na ang mga proyekto ay isinasagawa nang maayos, walang bahid ng korupsyon, at may pakinabang na mararamdaman ng mamamayan, hindi lang papel at press release.

Panahon na para tapusin ang proyekto, hindi para itengga. Panahon na para sa tunay na pagbabago, at hindi lang ito tungkol sa baha. Ito ay tungkol sa pananagutan, malasakit, at epektibong pamamahala.

133

Related posts

Leave a Comment