PARTY-LIST SOLON, PABOR SA SIMPLENG SONA

PABOR si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na gawin lamang simple subalit maayos ang kasuotan sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Lunes, Hulyo 28.

Katunayan, sinabi ni Ordanes na simpleng Barong Tagalog lamang ang kanyang isusuot para marinig ang ulat sa bayan ng Pangulo.

“Naka-Barong ako tuwing pumapasok sa regular session days. At sa araw ng SONA sa Lunes, ganoon pa rin ang isusuot ko. Usual office attire,” saad ng kongresista.

Gagawin aniya ito bilang pagsuporta sa panawagan ni House Speaker Martin Romualdez na gawing simple ang pagdalo sa SONA dahil sa sitwasyon ng maraming Pilipino na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng sunod-sunod na bagyo at habagat.

“Dapat ituring natin ang SONA bilang official office function at hindi funfare. Ang mahalaga ay malaman ng taumbayan ang tunay na estado ng Pilipinas,” dagdag pa ni Ordanes.

Sinabi pa niya na ang tanging mahalaga sa mga mambabatas ay marinig mula sa Punong Ehekutibo ang kanyang legislative agenda sa ikaapat na taon ng kanyang termino.

Umaasa si Ordanes na maririnig kay Marcos Jr., ang social agenda ng administrasyon para guminhawa ang buhay ng mga nakatatanda sa bansa.

123

Related posts

Leave a Comment