(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
USAP-USAPAN ngayon ang panibagong kabulukan na nagaganap sa loob ng Bureau of Customs (BOC), partikular na sa mga nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang kotongan umano ng P2 million ang isang pasahero na pamangkin mismo ng isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Nabatid na ang biktima ay isang negosyanteng babae na nakabase sa Compostela Valley, Davao de Oro.
Sakay ng Cathay Pacific flight number CX 903 ang biktima na galing umano sa bansang Hong Kong at dumating sa NAIA Terminal 3 noong June 25, 2025.
Ang 38-taong gulang na biktima ay may dala umanong apat na mamahaling relo na Rolex at pinagmulta bilang duties and taxes ng halagang P1.880,019.19. na makikita mismo sa resibo ng BOC.
Subalit nahingan ang nasabing pasahero ng P3,880,019.19 kung saan ang P2 milyon ay sinasabing napunta sa mga tiwaling tauhan ng BOC.
Ayon pa sa sumbong, isang alyas Kumander at alyas Alona ang namagitan umano sa bawal na transaksyon.
Samantala, marami ang humanga sa bagong pamunuan ng Bureau Of Customs na si Commissioner Ariel Nepomuceno at Deputy Commissioner for Enforcement Group Gen. Noli Bathan sa agaran nilang pag-aksyon.
Sa impormasyon ng SAKSI Ngayon, naging usap-usap usapan din sa loob ng NAIA ang pagmamalaki ni alyas Kumander ng pagiging malakas umano kay Dep. Comm. Bathan sa dahilan siya raw ay miyembro ng ‘bogobogo’ kaya hindi raw siya maaaring suspendihin ng mga nasabing opisyal.
Marami naman ang nagdududa kung gaano katotoo ang iniyayabang ni alyas Kumander.
Patuloy namang nakamasid ang mga BOC employees kung ano ang kahahantungan ng kasong ito.
Simula nang maupo sina Nepomuceno at Bathan ay kabi-kabilang paglilinis na ang nangyayari sa BOC ngayon.
142
