INIHAYAG kahapon ng Philippine National Police (PNP) na posibleng mga labi ng tao ang nasisid ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard nitong nakalipas na linggo sa Taal Lake na sinasabing pinaglibingan ng nawawalang sabungeros.
Ayon kay PNP spokesperson, Brig. Gen. Jean Fajardo, bukod sa hinihinalang skeletal remains, nakakuha rin ang mga maninisid ng ilang personal na gamit gaya ng jacket, tsinelas, kuwintas at iba pang personal belongings.
Gaya ng naunang nakuhang mga buto, isasailalim din ang mga ito sa DNA testing at cross-matching sa DNA profiles ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
“Baka meron sa mga kababayan natin…baka ma-recall po nila ‘yong mga kaanak po nila na mga napaulat na nawala at maalala po nila na ito ‘yong mga suot nila na damit,” ani Fajardo na ipinakita ang mga larawan ng nakuhang personal items sa hanay ng mga mamamahayag sa Camp Crame.
Samantala, nasa government prosecutors na umano ang bola kung isasampa nila sa mataas na hukuman ang kasong inihain laban sa negosyanteng si Atong Ang at iba pang personalidad na idinadawit sa kaso.
Si Atong Ang na itinuturong mastermind sa kaso ng 34 missing sabungeros, ay humaharap na sa mga akusasyong murder at serious illegal detention na parehong non-bailable.
Subalit itinuturo naman ng kampo ni Ang na sina whistleblower Julie “Dondon” Patidongan o alias “Totoy” at mga kapatid nito ang mga tunay na mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.
Subalit agad na nilinaw ni DOJ Secretary Crispin Remulla na posibleng gawa-gawa lamang ito ng kampo ni Ang para palabuin o ilihis ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Sa ngayon, nasa prosecutor office na umano ang bola kung may basehan ba para sa preliminary investigation. Oras umanong may makitang sapat na ebidensya at may certainty of conviction, pwede na nilang kasuhan si Ang sa korte at pwede nang magsimula ang trial kaya nakabase ang lahat sa prosecutors.
(JESSE RUIZ)
