HINDI pwedeng palagpasin ang pamumuhunan ng Government Service Insurance System (GSIS) gamit ang pera ng government employees kaya itinutulak ngayon sa Kamara na imbestigahan ito.
Matapos mabuko na nag-invest ang GSIS ng P1.45 billion sa gambling-related company ay agad na nagpatawag ng imbestigasyon si House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio.
“Napakasakit isipin na ang retirement funds ng ating mga guro at government employees ay ginagamit para sa sugal. This is not just poor investment judgment—this is a moral outrage,” ani Tinio.
Sinabi ng mambabatas na maituturing na betrayal of public trust ang ginawa ng GSIS na isugal ang pera ng mga empleyado ng gobyerno nang maglagak umano ng puhunan ang mga ito sa Alternergy Holdings Corp., at iba pang kumpanya na konektado ng gambling operations.
Lalong naalarma ang mambabatas matapos malaman na P251.37 million ang nawala na sa inilagak na puhunan ng GSIS matapos malugi ang ilang gambling companies.
“Isinugal nila ang pondo ng GSIS. Tinaya sa mga kuwestyunableng stocks at natalo. Sino ang nakinabang? Samantala, pensyon at benepisyo ng mga GSIS members ang apektado,” ayon kay Tinio.
Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi buo ang inuuwing sahod ng mga public school teacher at iba pang empleyado ng gobyerno dahil otomatikong kinakaltas sa kanila ang iba’t ibang kontribusyon tulad ng GSIS.
Dahil dito, masakit aniya sa mga ito na malaman na ginamit ang kanilang kontribusyon sa mga kumpanyang sumisira sa mga pamilyang Pilipino.
“Paano nangyari na na-approve ang investment na ito kahit hindi sumusunod sa sariling policy ng GSIS? This reeks of corruption and gross negligence. Our teachers deserve answers,” ayon pa sa mambabatas.
“Hindi pwedeng patuloy nating hayaan na ang kinabukasan ng aming mga guro ay ginagawang sugal. We will fight for transparency and accountability in the management of our teachers’ pension funds,” dagdag pa nito.
(BERNARD TAGUINOD)
