MAHIYA NAMAN KAYA ANG MAKAKAPAL ANG MUKHA AT WALANGHIYA?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

DRAMA lamang ba ang napanood, napakinggan natin, nabanggit/nabigkas ng ating Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang SONA 2025, o totohanan na ang sinabi niya, may mga mananagot sa mga politiko at opisyal ng gobyerno na hindi maitatanggi, naibulsa ang malaking pondo para sa flood control projects.

Wika ni PBBM, nang mag-inspeksyon siya sa pinsala ng habagat noong huling linggo ng Hulyo ngayong taon – na epekto ng bagyong Crising, Dante, at Emong, nakita niya na marami sa nakumpletong flood control project ay “palpak, at gumuho at ‘yung iba guni-guni lang.”

Bakit palpak, gumuho at guni-guni lamang ang mga ito: may korupsiyon, may nagkaka-racket, sabi ni PBBM, sa mga kickback, mga initiative, errata, SOP, “for the boys”.

Kaya naging Waterworld ang buong Metro Manila, at maraming probinsya sa Northern, Central, Southern Luzon, at maging sa Bicol Region.

Malinaw ang sinabi ng Pangulo, may nagsasabwatan upang kunin at nakawin ang pondo ng bayan, “at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan…”

At matapos, ito, sinabi ni PBBM, “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!”

“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha!”

“Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa n’yo lang ang pera.”

Pero sino ba ang kaharap ni Marcos nang sabihin niya na, “Mahiya naman kayo!” – na ito ay sinundan pa ng umaatikabong palakpakan, sigawan!

Ah, alam natin, kung sino-sino ang pinatatamaan ng Pangulo nang bigkasin niya ang panraraket, at tumanggap ng “for the boys,” “kickback,” “raket,” at nagkapera sa mga guni-guning proyekto.

Open secret, ‘di matutuloy ang isang proyekto –tulad ng flood control project — kung walang basbas ng politiko, lalo na ang mga kongresista, senador, o lokal na politiko, at kung walang SOP o suhol, advance payment kahit hindi pa nasisimulan ang proyekto.

Sa tindi ng palakpakan, ano ang ipinahihiwatig ng mga politikong ito, sinasabi ba nila, sila ay inosente, hindi nagnakaw, hindi nakipagsabwatan sa mga opisyal ng DPWH at mga kontratista?

Teka, e sino na ang humirang sa mga opisyal ng DPWH, at sino ba ang nagpondo sa mga proyektong ito, hindi ba ang House of Representatives, at ang Senado?

Nakita na ang lakas ng palakpak ni Speaker Martin Romualdez, si Senate Pres. Chiz Escudero at mga kakamping lawmaker na tumanggap ng bilyon-bilyong pondo para kontra baha.

Ah, ilang ulit nang nag-imbestiga ang Senado, ang House upang malaman ang mga dahilan ng pagbaha, at matukoy kung sino ang mga magnanakaw sa pondo ng bayan.

Ano ang nangyari sa inokeyang master plan kontra baha noon pang 2012 na inaprubahan ng NEDA, at may inaprubahang masterplan sa Pampanga River, Pasig River, Laguna de Bay, at iba pang malalaking river system sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.

Tatlong taon na ang Marcos administration, mula 2022, magkano ba ang ipinondo para sa programa ng DPWH, kontra baha, magugulat kayo sa laki ng inilaan – 2022: P209,613,148,000; 2023: P279, 068,277,000. Sa 2024: P350, 716,965,000; at ngayong taon, 2025: P355,193, 514,000.

Ay! Nahilo ako, sa laki ng biyon-bilyong piso na ito at pagsinuma, trilyong piso na ito. Kayo na po, dear readers, ang kumuwenta kung ilang trilyong pisong buwis nating taumbayan ang inubos para sa mga kontra bahang ito, na sabi ng ating Pangulo, ay palpak, gumuho at nakumpleto agad, kasi guni-guni lamang o ghost projects.

Opo, trilyong piso ang ipinondo sa mga kontra bahang proyekto, pero tayo ang nalubog sa baha, pero ang mga tinaman ng makakapal ang mukha – na tiyak na kilala ni Martin Romualdez, ni Escudero, at mga taga-DPWH at mga kongresista, a, sila naman na mga tumanggap ng kickback, raket, SOP at iba pang sahod ay lunod na lunod sa limpak-limpak na salaping ninakaw sa bulsa nating mamamayan.

Sa pagsasamantala nila, kasalanan bang hingiin na sana sasusunod na pagbaha, sila ay malubog, at tangayin papunta sa mga imburnal at maglangoy sa dagat.

Kaya pala, binabaha tayo, at matapos ang talumpating ito ni PBBM, sa 2026, ay, tama ang hula n’yo, babahain uli tayo, at baka, marami uli ang masirang proyekto, tinangay ng baha na mga bahay, nasirang pananim, at mga nalunod,

Palaki nang palaki ang pinsala, taon-taon, at kasabay nito, palaki rin nang palaki ang naibubulsa ng mga magnanakaw at manraraket.

Mapapansin kung uusisain ang badyet, may mga bilyon pang piso na inilalaan para daw sa maintenance, at kung ano-ano pang gawain, upang kuno ay mapanatiling maayos at mapatibay ang mga flood control project, kasama sa mga pinondohan ay mga ghost project.

Mahiya naman kayo, sabi ng Pangulo, pero si Martin, si Escudero, Honorable senators, congressmen, makikisig na DPWH officials, contractor, local politicians, at ‘wag kalimutan, ang mga taong may poder upang mai-release ang trilyong pondo sa mga palpak na proyektong may “for the Boys,” raket, kickback at iba pang nakaw na yaman.

Mahiya naman kayo, ah, alam natin kung sino ang kukuha ng SOP, kickback, raket, advance payments at iba pang sistema ng kalokohang ito ng pagnanakaw sa pera ng taumbayan.

Ilang linggo na, may mga iniimbestigahan na bang mga magnanakaw sa pondo ng bayan, at si Romualdez, si Escudero, at mga kontratistang kongresista, senador, opisyal ng bayan?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

121

Related posts

Leave a Comment