OFW JUAN ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
DUMULOG sa OFW JUAN sa Saksi Ngayon, ang ating kabayani mula sa Riyadh, Saudi Arabia na nagtatrabaho bilang kasambahay, upang humihingi ng agarang tulong matapos makaranas ng matinding pagmamalupit sa kamay ng kanyang employer.
Kinilala ang biktima na si Robelyn Salvador, naninilbihan bilang household worker sa Riyadh. Subalit sa halip na maayos na kalagayan, kalbaryo raw ang dinanas niya.
Ayon kay Robelyn, sa tuwing siya ay nagkakamali — o kahit kasalanan ng kanyang mga kasamahan sa bahay — sa kanya pa rin ibinubunton ang galit ng amo. Hinahampas umano siya sa ulo gamit ang hawakan ng ikuba, at minsan pa ay tinututukan ng kutsilyo sa leeg.
Mas mabigat pa rito, ikinuwento ni Robelyn na sapilitan siyang pinapamasahe ng kanyang among lalaki, na gumagawa ng iba’t ibang malalaswang gawain at pilit pang ipinahahawak sa kanya ang maselang bahagi ng katawan nito.
Ang deployment ni Robelyn ay sa ilalim ng Sim-soh International Management Recruitment Agency, habang ang foreign recruitment agency naman ay New Vision Recruitment.
Mariing kinokondena ng OFW JUAN ang pang-aabusong ito at nananawagan ng agarang aksyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at MWO Riyadh upang agad na masagip si Robelyn mula sa panganib na kinahaharap.
Patuloy ang panawagan ng OFW JUAN sa pamahalaan na paigtingin ang proteksyon para sa Filipino domestic workers sa ibang bansa, at papanagutin ang mga mapang-abusong employer at ahensya upang matuldukan ang ganitong mga pangyayari.
237
