KAHIT hindi kasama sa 2026 National Expenditure Program (NEP) ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), tila may mga kongresista na nais itong mapondohan sa 2026 general appropriations bills (GAB).
Ito ang inamin ni House appropriations committee chairman Rep. Mikaela Suansing sa isang panayam kahapon.
Nauna nang sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na hindi nilagyan ng pondo sa isinumiteng NEP sa Kamara noong nakaraang linggo ang AKAP.
“Meron pong ilan na nagpaparating sa akin na kung puwedeng tingnan yung pondo sa AKAP. Meron na ring mangilan-ngilang kongresista na nagpapaabot ng ganoon kasi binabahagi nila kung paano ito nakatulong sa kanilang kanya-kanyang constituencies,” pag-amin ni Suansing.
Dahil pag-uusapan umano sa nasabing programa kung saan lalo na’t prerogatibo aniya ng Mababang Kapulungan kung ano ang kanilang desisyon sa NEP at ang kagustuhan aniya ng mayorya ang masusunod.
Magugunita sa 2025 NEP, wala ring pondo para sa AKAP subalit nagkaroon ito ng P26.7 billion sa 2025 General Appropriations Act para matulungan diumano ang Filipino workers na kapos ang kinikita.
Naging kontrobersyal ang programang ito dahil kasama ito sa mga ipinamudmod sa gitna ng kampanya noong nakaraang 2025 mid-term election kasama ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Kung dumating po sa punto na ang magiging desisyon ng Kongreso na pondohan po muli ang AKAP sisiguraduhin po natin na within legal and constitutional requirements ang pagpasok natin,” ani Suansing.
Aminado ang mambabatas na kapag nangyari ito, may mga ahensya ng gobyerno ang mababawasan ng pondo para ilipat sa AKAP na siyang laging ginagawa umano ng Kongreso tuwing tinatalakay ang pambansang pondo.
Magugunita na unang nagbabala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi nito pipirmahan ang pambansang budget kapag hindi nakalinya sa layunin ng kanyang administrasyon.
(BERNARD TAGUINOD)
92
