KWENTONG BARANGAY

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

OOPS. Nasa balag ng alanganin ang katuwaan ng mga opisyal ng barangay kahit ipinagpaliban ang barangay at SK elections sa susunod na taon.

Pansamantalang naudlot ang bungisngis, kasama na ang mga sikretong halaklak.

Kinuwestyon kasi sa Supreme Court ang konstitusyonalidad ng RA 12232, na nagpapaliban sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.

Ayon sa isang petisyon, maraming depekto at labag umano sa karapatang bumoto ang batas.

Abangan natin kung idideklarang labag sa konstitusyon ang bagong batas, at kung may ilalabas na TRO.

Usapang pambarangay pero hitik na sa karambola ng mga pala-palagay.

Nakasalalay sa ekstensyon ng turno ang tila astig na karakas ng ibang opisyal. Sa pagpapaliban nakaangkla ang pagsinghot sa kapangyarihan. Sabi nga, sa barangay pa lang maangas na, ano pa kaya kapag umangat na ng katungkulan.

Sabagay, sa eleksyon, may bentahe pa rin ang mga tatakbo na hawak ng malaking politiko.

Teka, esensyal ba sa ikauunlad ng barangay ang pagpapaliban ng halalan at ekstensyon ng termino?

Naku, wala sa lawig ng panunungkulan ng opisyal masusukat ang kaunlaran ng komunidad. Nasa maayos at mabuting pagganap ‘yan ng tungkulin.

Sa barangay pa nga lang ay marami nang ‘di kanais-nais na isyu ang nakikita ng mga kabarangay.

Ika nga, maliit na repleksyon ang ibang barangay official ng ga-higanteng salamin ng nasa mas mataas na katungkulan.

Buhay pulitika nga naman.

Tingnan natin kung ano ang nauuso ngayong usapin sa bansa: iregularidad sa mga pambahang proyekto, pagbalewala sa pananagutan at katapatan ng mga nasa pwesto at iba pang porma ng pag-abandona sa tunay na serbisyo para sa kaayusan ng bansa at kapakanan ng mamamayan.

Katiwalian ang laging nakabalandra sa ating harapan.

Walang nangyayari sa panawagan, sa pag-iingay sa kalye.

Tila naging normal na ang butas na sistema. Normal na sa ilan na kumampi sa mali at iligwak ang tama. Natural na sa iba na mangupit. Ginawang normal ang kawalanghiyaan.

Sa bersyon ng isang sitwasyon, isa nang abnormal ang maayos at pagiging matino.

71

Related posts

Leave a Comment