KINALAMPAG ni House committee on human rights chairman at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Commission on Human Rights (CHR) na pakialaman na ang ginagawang demolisyon sa kanilang lungsod.
Partikular sa nais ni Abante na imbestigahan ng PCUP at CHR ay demolisyon na ginagawa sa kabahayan ng may 20 residente sa Barangay 647 sa San Miguel, Manila dahil nilalabag umano ang karapatan ng mga apektadong mamamayan.
Hiniling ni Abante sa CHR na bisitahin ang mismong lugar kung saan isinagawa ang demolisyon at alamin ng PCUP kung nasusunod ang due process.
Sa report na nakuha umano ni Abante kay Barangay Captain Suharto Buleg, 15 hanggang 20 homeowners ang inisyuhan ng notice of demolition noong Agosto 7, subalit matapos lang ang ilang araw ay sinimulan na ang demolisyon.
“The Constitution guarantees the right to due process. Demolition without proper consultation, without sufficient notice, and without the coordination mandated with PCUP, is a violation of our people’s basic rights,” ayon sa mambabatas.
Wala umanong pakikipag-ugnayan na ginawa sa PCUP kaya nangangamba ang mambabatas na hindi nasusunod ang mga itinakdang regulasyon bago isagawa ang pagdemolis sa target na mga kabahayan.
“Kung hindi natin igagalang ang proseso, ang talo dito ay mga ordinaryong pamilya na mawawalan ng tirahan. Ang bawat tahanan ay hindi basta-basta pader at bubong lamang. These are the homes of families who may have nowhere else to go,” ani Abante.
Umapela rin ang mambabatas sa City of Manila na suspendihin muna ang pagdemolis hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon na gagawin ng PCUP at CHR para matiyak na hindi malabag ang karapatan ng mga apektado.
“As public officials, our duty is not only to enforce laws but to uphold justice. Any action that tramples on the rights of our citizens is not only illegal but immoral,” ayon pa sa kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
