PAGCOR PUMIYOK: 60% SA ONLINE GAMBLING ILLEGAL

NASA 60% ng online gambling ang maituturing na ilegal sa kasalukuyan, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Umamin si PAGCOR Chairman Alejandro Tengco sa interpelasyon ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na mas marami pa rin ang illegal na online gambling kumpara sa mga legal o may lisensya.

Aniya, nasa limampung porsyento na ang ibinagsak ng transaksyon ng nasabing sugal mula nang ipag-utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga e-wallet na alisin sa kanilang sistema ang mga online gambling apps.

“At para po sa kaalaman ng lahat, inoobserbahan po ng PAGCOR nito pong magsimula po nung araw ng Linggo hanggang kahapon ay bumagsak po ng siguro’y 50 porsiyento ang online gaming transactions, magsimula nang iniutos ng Bangko Sentral na mag-delink muna ang mga…e-payment plat platforms na ito sa integration with online gaming companies,” ani Tengco.

Gayunpaman, aminado si Tengco na tanging link ng e-wallet sa gambling apps ang nawala dahil may mga nagsusugal na gamit pa rin ito para makubra ang panalo kaya inatasan ni Diokno ang BSP na lalong higpitan ang regulasyon.

Inamin din ni Tengco na 60 porsyento sa mga online gambling ay ilegal at lalo aniyang lumakas dahil marami ay nag-ooperate sa ibang bansa na nagpapahirap sa kanila para ito masugpo.

“So, ang sinasabi ko po rito’y 60 porsyento pa ang nakikita namin sa merkado na ilegal sa pangkasalukuyan. And as I said, wala dito sa Pilipinas ‘yung mga illegal na mga operator na ‘yun.

‘Yun po ay nagmumula sa iba’t ibang bansa tulad ng Russia, Dubai, Abu Dhabi, Cambodia, mga kapitbahay po natin, maski po Singapore ay nate-trace po ng DICT at ng CICC na doon nagmumula ‘yung mga illegal na ‘yun,” ani Tengco.

“Nakakalungkot po. Napansin namin din maski sa illegal ‘e mas lalo pang lumakas, ‘no. So, talagang napakahirap lang tugisin at pahintuin ang mga illegal. Pero doon sa mga legal po na licensees ng PAGCOR, wala sa pangkasalukuyan kaming nakikita… sumunod po sila sa utos ng Bangko Sentral na mag-delink muna sa pangkasalukuyan,” paliwanag pa ni Tengco.

Ang mga illegal online gambling operator din umano ang dahilan kung bakit maraming nalululong sa sugal dahil walang age limit na nire-require ng mga ito kumpara sa mga lisensyadong online gambling companies kaya sa kasalukuyan ay US$100 Billion industry umano ang sugal na ito.

(BERNARD TAGUINOD)

59

Related posts

Leave a Comment