BINATIKOS ni Senator Erwin Tulfo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa hindi paghahatid ng mga libreng wheelchair at assistive mobility devices sa mga senior citizen sa isa sa mga pagdinig sa Senado kahapon. (Danny Bacolod)
IGINIIT ni Senador Risa Hontiveros na dapat matukoy ang mga big boss na nag-oorganisa o nasa likod ng mga kontrobersyal na flood control projects.
Kasabay nito, sinabi ni Hontiveros na sa halip na isang ahensya lang o institusyon ang mag-imbestiga, makabubuting multiple agencies ang magtulungan na bumusisi, mangalap ng ebidensya at maghalukay ng paper at money trails tulad ng Commission on Audit, Office of the Ombudsman at Department of Justice.
Mahalaga anyang may mahuli at makasuhan na mga opisyal, at may ma-blacklist na kontraktor.
Ang sinoman anyang haharang o ayaw tumulong sa imbestigasyon ay isama na rin sa kakasuhan.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos na anya ang nagsabi na kahit na kaalyado ay hindi palalampasin kaya dapat lang managot kahit na sino ang sangkot.
Ikinalugod ng senadora ang dumaraming bilang ng mga mayor at iba pang lokal na opisyal na nagsasalita laban sa maanomalyang flood control projects.
Kaya nangako si Hontiveros na titiyakin nila na hindi na makalulusot sa 2026 national budget ang mga kalokohan pagdating sa pondo para rito.
Para naman kay Senador Win Gatchalian, dapat pangalanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang politiko o opisyal ng pamahalaan na nagsisilbing ‘backer’ ng lahat ng maanomalyang proyekto kontra baha sa bansa.
Pinuna ng senador ang pagbibigay ng malalaking flood control projects sa mga kontraktor kahit walang sapat na kapital.
Kaya naman dapat aniyang pangalanan din ng DPWH ang mga miyembro ng bids and awards committee na nag-apruba sa kontrata.
Ulo Gugulong sa DPWH
Kaugnay nito, nangako si DPWH Secretary Manuel Bonoan na maglalabas siya ng preventive suspension order laban sa ilang kawani ng ahensya sa sandaling makumpleto nila ang imbestigasyon sa ghost flood control projects.
Sinabi ni Bonoan na nagpadala na sila ng technical and financial audit team na magba-validate sa mga ulat ng ‘ghost flood control projects, partikular sa lalawigan ng Bulacan.
Sa tantiya ng kalihim, posible itong mangyari ngayong buwan ng Agosto.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, kinumpirma ng kalihim na nakarating na sa kanya ang ulat ng pagkakaroon ng ‘ghost’ flood control projects, lalo na sa first engineering district office ng Bulacan.
Inaasahan anya niyang sa susunod na linggo ay matatanggap na nila ang report tungkol dito.
Sakali aniyang may mapatunayang ghost project ang mga proyekto ay tiyak na pananagutin nila ang sinomang sangkot dito.
Kinumpirma rin ng DPWH Secretary na na-relieve na niya sa pwesto si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na dapat sana ay for promotion.
(DANG SAMSON-GARCIA)
