ISA ang bayaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga operator ng malalaking online gambling sa bansa.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kahapon.
Sa interpelasyon ni House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, inamin ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, na ang Philweb ay dating pag-aari ni Roberto Ongpin subalit ngayon ay pag-aari na ito ni Gregorio Araneta.
“Naalala ko po yun kasi pagka-upo ni dating pangulong (Rodrigo) Duterte tinawag niyang oligarch si Ongpin tapos pinuwersa siyang ibenta ang share. Ang bumili yung brother in law ng Pangulo na si Gregorio Araneta, tama po?,” tanong ni Tinio.
“Noong panahon na po ‘yun (ni Duterte),” sagot ni Tengco kay Tinio.
“Ang punto ko, ang mga may-ari ng mga online gambling na ito ay mga bilyonaryo tama po ba?,” tanong pa ni Tinio na sinagot ni Tengco ng “opo”, yung ilan (bilyonaryo). Marami din po sa 70 ay hindi naman kilalang mga tao din”.
Kabilang din umano sa kilalang nasa online gambling si Eusebio Tangco na isa sa may-ari ng Digiplus na ayon kay Tinio ay inilarawan bilang “Forbes breakout billionaire” dahil sa bilis ng paglago ng kayamanan nito.
Sinabi ni Tengco na si Tangco ang may-ari din ng STI.
Kinumpirma din ni Tengco na sinuspindi na ng mga ito ang pagbibigay ng bagong prangkisa sa online gambling subalit aminado ito na daan-daan pa umano ang nakapila.
Nauna nang iginiit ni Senador Migz Zubiri na ilantad sa publiko ang pangalan ng mga operator at may-ari ng online gambling upang malaman kung may politiko sa likod nito.
“So we’ll know if there are politicians involved … if there were billionaires, who are these people? Then we’ll inform the public,” aniya sa isang interview.
(BERNARD TAGUINOD)
