MANDATORY DRUG TESTING TINABLA NG PALASYO

IBINASURA ng Malakanyang ang isinusulong ni Senador Robin Padilla na Senate Bill 1200 o Drug-Free Government Act, pagsasailalim sa taunang mandatory drug testing sa lahat ng mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno kasama ang Pangulo ng bansa.

Giit ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na paglabag sa “right to privacy” ang panukalang batas at nagbabala na mauuwi lamang sa pagsasayang ng government resources ang gagawin na ito ng senador.

“So, ang nais po ni Senator Robin Padilla ay lahat ng public officers? Sana po ay nabasa niya na po ang desisyon ng korte patungkol po dito. Social Justice Society versus Dangerous Drugs Board 2008 kung saan hindi po hinahayaan at ito ay labag sa konstitusyon at sa privacy kung lahat po,” ayon kay Castro.

“Kapag sinabi po nating lahat, universal testing – mandatory universal or universal testing; ang allowed lamang po ay ang random drug testing. So, baka magsayang lang po ng oras at pera/pondo si Senator Robin Padilla, aralin po muna niya po ang nais niyang gawing batas,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Castro na ang binibigyang-diin niya rito ay ang unconstitutionality ng batas at hindi ang pagkontra o hindi pagpabor sa drug testing.

Sa ulat, isinulong ni Sen. Robin Padilla na sumailalim sa taunang mandatory drug testing ang lahat ng mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno kasama ang Presidente ng bansa.

Sa Senate Bill 1200 na tatawaging Drug-Free Government Act kapag naging batas, sinabi ni Padilla na dapat i-institutionalize ang taunang mandatory drug test sa mga pampublikong opisyal, gayundin ang voluntary random drug testing sa mga kandidato sa eleksyon sa loob ng 90-araw bago ang halalan.

Tinukuran sa Kamara

Tinukuran naman ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panawagan ukol sa mandatory drug test, hindi lamang sa mga opisyal kundi sa mga empleyado ng gobyerno upang magkaroon ng tiwala ang publiko sa mga institusyon.

Bukod dito, sinabi ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, mahalaga rin umano ang mandatory drug test sa integridad ng isang tanggapan kaya wala itong tutol sa nasabing panawagan na sumailalim lahat ng public servant sa nasabing pagsusuri.

“As public servants, we are duty-bound to lead by example and uphold the highest standards of professionalism and responsibility,” ayon pa kay Luistro.

Muling umugong ang panawagan ng mandatory drug test nang masangkot sa umano’y paghithit ng marijuana ang isang tauhan ni Sen. Robinhood Padilla na si Nadia Montenegro na kanyang pinabulaanan.

Ito rin ang dahilan kaya sumailalim ngayon sa drug test ang mga senador kasama ang kanilang mga empleyado.

“Drug abuse undermines efficiency, compromises judgment, and erodes the credibility of government. By institutionalizing mandatory drug testing, we reinforce our collective commitment to a drug-free bureaucracy that is capable of delivering honest, efficient, and compassionate service to our people,” ayon pa kay Luistro.

Ayon sa mambabatas, ang inisyatibong ito ay hindi para parusahan ang mga opisyales at empleyado ng mga ahensya at institusyon ng gobyerno kundi para maiiwas ang mga ito sa paggamit ng ilegal na droga.

Paraan din aniya ito para maprotektahan ang interes ng publiko na pinagsisilbihan ng mga taong gobyerno at kung meron man aniyang gumagamit sa mga ito ng ilegal na droga ay agad na matulungan kung kinakailangan subalit dapat magkaroon ng pananagutan.

Gayunpaman, dapat hindi malabag ang constitutional rights at dignidad ng mga taong gobyerno na isasailalim sa mandatory drug test kaya kailangan anyang magkaroon ng malinaw na panuntunan sa mandatory drug test.

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

61

Related posts

Leave a Comment