PATAY ang isang high value drug trafficker sa isinagawang anti-narcotics operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang hotel sa Entertainment City, New Seaside Drive, Barangay Tambo, Parañaque City noong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, bandang alas-10:30 ng gabi inilunsad ng kanyang mga tauhan ang joint buy-bust operation sa pangunguna ng PDEA Regional Office IV-A Cavite Provincial Office; katuwang ang PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) Southern District Office; at Special Operations Unit ng Philippine National Police Drug Enforcement Group.
Target ng kanilang drug sting operation ang tatlong drug personalities na nanunuluyan sa 18th floor ng hotel.
Subalit sa kasagsagan ng buy-bust operation ay biglang nanlaban at sinaksak ng isang alyas “Stephen”, 50-anyos na Chinese and Filipino descent, ang isang PDEA agent.
Dahil dito, dinamba siya ng iba pang mga operatiba para maagaw ang hawak nitong patalim.
Habang nagtatalo-talo at nag-uusap-usap ay bigla umanong nagpahayag na nahihirapang huminga ang suspek hanggang sa nawalan ito ng ulirat kaya dinala sa pagamutan subalit tuluyang nalagutan ng hininga dahil sa heart attack.
Samantala, kasalukuyang namang nilalapatan ng lunas sa isang ospital ang nasugatang PDEA agent.
Kabilang sa mga dinakip si alyas “Mohamad”, isang German/Syrian national, 32-anyos, mula sa Poblacion, Makati City, at ang kasabwat umano nitong Filipina na si alyas “Mikhaela”, 24, ng Project 6, Quezon City.
Nakuha sa mga suspek ang humigit kumulang sa isang kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, na may standard street price na umaabot sa P6,800,000.00, ang ginamit na buy-bust money at isang glass tooter.
Ayon kay PDEA PIO chief, Director Laurefel Gabales, inihahanda na nila ang kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) at Section 15 (Use of Dangerous Drugs), laban sa mga naarestong suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Regional Office IV-A sa Santa Rosa City, Laguna.
“If found guilty, a penalty of life imprisonment and a fine ranging from P500,000.00 to P10,000,000.00 will be imposed upon alias “Mohamed” and alias “Mikhaela,” ayon pa kay Gabales.
“The bravery shown by the arresting operatives in the face of a knife attack is commendable. They had the audacity to take action in spite of the dangers involved. Every single day, anti-drug operatives are putting their lives on the line to make our communities as safe as possible from illegal drugs”, ani PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.
(JESSE RUIZ)
